Nasunog ang isang bahay sa bayan ng Brooke’s Point sa bahagi ng Barangay Samariñana, dakong alas kwatro ng hapon noong Huwebes, September 1.
Ayon kay FO2 Bryan Michael Cabiles ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Brooke’s Point, isang tawag ang natanggap ng kanilang opisina kung saan may nasusunog na bahay sa lugar na agad naman nilang nirespondehan ng mga oras na iyon.
“Pagdating namin halos nasa 90 percent na ang damage, o sunog na talaga ang bahay, mga iilang poste na lang po ang naiwan na nakatayo,” sabi ni Cabiles.
Gawa sa semi-light materials ang bahay ng pamilya Magayanes kaya ito mabilis tinupok ng apoy, ayon sa kanya.
Sa deklarasyon ni Thelma Magayanes, nasa P200,000 ang halaga ng ari-ariang nasunog dito.
“Further investigation po ang opisina natin, wala pong makapagsabi kung saan talaga nagmula ang apoy, hindi pa natin malaman kung galing sa wirings o saan talaga,” dagdag ni Cabiles.
Wala namang naiulat ang BFP na may nadamay sa sunog na miyembro ng pamilya dahil ng mga oras na iyon ay nasa labas ng bahay ang pamilya.