Nalubog sa baha ang ilang mga lugar na sinasakop ng Barangay Punta Baja sa bayan ng Rizal noong July 4 dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Ayon sa isang residente ng Purok Liwayway na si Ross Alojipan, ang lakas ng ulan noong Sabado na tumagal ng halos dalawang oras ang naging sanhi kung bakit binaha ang kanilang lugar, maging ang compound nila.
“Kung maipagpatuloy sana ang pag gawa ng drainage dito sa bahaging itaas namin hindi siguro laging catch basin yong lugar namin dito sa liwayway kapag malakas ang ulan lahat ng tubig ulan dito napupunta buong lugar ng liwayway,” sabi ni Alojipan.
Nalubog din ang buong Purok Pakpak Lawin sa Punta Baja at Punta Baja Central School.
May mga ongoing drainage project ang LGU sa buong poblacion at ito ay kasalukuyang naka-bidding na para masimulan.
“Isa yan sa mga proyekto ng pamahalaang lokal ni Mayor Odi na maipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga drainage project natin along poblacion para maiwasan ang pagbaha lalo na itong mga lugar na nasa concern ng mga kababayan natin ang liwayway at pakpak lawin lalo na kapag walang patid ang buhos ng ulan,” ayon kay Anthony Lorenzo, ang municipal disaster risk reduction management officer ng Rizal.