Bahagi ng national road sa San Agustin, Romblon, isang buwang isasara

Ito ang bahagi ng national road malapit sa Sijeron Bridge na bahagi ng Barangay Hinugusan sa bayan ng San Agustin na kasalukuyang isinasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mas palawakin ito. (Larawan mula sa Uswag San Agustin/LGU)


SAN AGUSTIN, Romblon — Pansamantalang isinara sa publiko at mga motorista ang isang bahagi ng national road malapit sa Sijeron Bridge na bahagi ng Barangay Hinugusan sa bayan ng San Agustin para sa gagawing pagsasaaayos dito ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang naturang bahagi ng Tablas Circumferential road ay hindi madadaanan sa Enero 7-Pebrero 9.

Ayon sa LGU San Agustin, magsasagawa ng rock excavation at road widening ang DPWH sa nasabing lugar kaya maaapektuhan ang mga motorista at residente na pupunta sa Timogang bahagi ng Tablas na manggagaling sa bayan ng San Agustin.

Kabilang sa mga apektadong motorista ay ang mga mangagaling sa bayan ng Santa Maria, Alcantara at Looc, gayundin ang mga Barangay ng Bachawan, Camantaya, Buli at Hinugusan na sakop ng San Agustin kung nais magtungo ng mga ito sa poblacion ng naturang bayan.

Batay sa inilabas na advisory ng LGU San Agustin, papayagang maglakad o dumaan ang mga gustong tumawid sa nasabing lugar 6:00 a.m.-8:00 p.m at 4:00 p.m.-6:00 p.m.

Hinihingi ng DPWH – Romblon Engineering District at LGU San Agustin ang kooperasyon at mahabang pasensiya ng mga residenteng apektado dahil nais lamang nilang masiguro ang kaligtasan ng mga ito at kapag natapos na ang pagpapalawak at konstruksiyon nito ay tiyak na magiging maluwag na ang bahaging ito ng national road.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...