Photo courtesy of Rogie Florida

Pinasinayaan sa munisipyo ng Rizal noong Pebrero 2 ang bagong waterworks office na magsisilbing sentro ng operasyon ng water supply system project para sa maaayos na pamamahala nito.

Ang Rizal Waterworks Office (RWO) ay pamamahalaan ang water supply system na magseserbisyo sa 11 na mga barangay ng Punta Baja, Campung Ulay, Taburi, Iraan, Canipaan, Panalingaan, Candawaga, Bunog, Ransang, Culasian, at Latud.

Ayon sa ulat na inilabas ng Palawan Provincial Information Office (PIO), nanguna si Rizal mayor Otol Odi sa pagpapasinaya ng bagong tanggapan, kasama ang mga opisyales ng munisipyo, at sina board member Ryan Maminta at Ferdinand Zaballa bilang kinatawan ng pamahalang panlalawigan.

Ang RWO, base sa pahayag ng PIO, ay siya rin na magiging opisyal na tanggapan ng Municipal Economic Enterprise Development Office (MEEDO) ng Rizal.

Ang pamahalaang panlalawigan ang nanguna sa disenyo at engineering works ng gusali upang maitayo ito sa loob ng 90 na araw sa pamamagitan ng Province-wide Water Infrastructure Development Program. Ito ay may pondo na mahigit P4 milyon.

Sa post ni Maminta ngayong araw ng Biyernes sa kanyang social media account, sinabi nito na ang pagkakaroon ng waterworks office ay upang “epektibong pamahalaan ang buong sistemang patubig na naunang napasinayaan noong mga nakaraang buwan”.

“Sa buong Southern Palawan po ay nasa 90% na ang mayroong sistema ng malinis na tubig para sa mamamayan,” pahayag ni Maminta.

Idinagdag niya na ang pagsasakatuparan ay “mula sa tunay, mahusay, at may malasakit na ideya at paggawa” ni gobernador Jose Alvarez, kasama ang suporta ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni bise gobernador Victorino Dennis Socrates.

Ayon pa sa kanya, mas naging maayos ang pagsasakatuparan dahil sa kolaborasyon ng pamahalaang panlalawigan at mga pamahalaang bayan mula Narra, Quezon, Rizal, Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Española, at Balabac, at ng mga funding agencies ng national government.

About Post Author

Previous articleZubiri bats for “Paglaum Fund” to help Odette-affected provinces
Next articleFormer president GMA clears Lacson from controversies raised during her term
is the chief of correspondents of Palawan News. She covers defense, politics, tourism, health, and sports stories. She loves to travel and explore different foods.