Larawan mula sa Culion Municipality Facebook page.

Dumating na ang bagong sea ambulance na ipinagkaloob ng Department of Health-MIMAROPA (DOH-MIMAROPA) bayan ng Culion, araw ng Huwebes, September 16.

Ang ambulansyang pandagat ay inilaan ng DOH-MIMAROPA sa munisipyo sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng naturang ahensya.

Layunin nitong matugunan ang serbisyong pangkalusugan ng mga mamamayan, lalo na sa mga island barangay ng bayan para sa kanilang mabilis na transportasyon upang makatanggap ng kinakailangang atensyong medikal katulad ng paghahatid ng mga pasyente sa pagamutan.

Ang bagong sea ambulance ay agad na sinalubong ni Culion Mayor Maria Virginia de Vera kasama ang mga opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na siyang gagamit nito para sa emergency at rescue operation sa kanilang bayan.

- Advertisement -

Larawan mula sa Culion Municipality Facebook page.

Ayon kay De Vera, malaking tulong ang sasakyang pandagat upang mapabilis ang paghahatid ng mga mamamayan na nangangailangan ng emergency attention sa mga pagamutan sa bayan ng Culion at karatig munisipyo lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya.

“Ito’y malaking kaginhawaan sa ating mga kababayan na nasa malalayong isla at ganoon din sa mga karatig bayan upang mabigyang atensyong medikal. Salamat sa Department of Health MIMAROPA,” pahayag ni De Vera.

Sa hiwalay na panayam kay Gerry Ferriol, kapitan sa Barangay Tiza, malaking bagay ang nasabing ambulansya dahil isa rin umano ang kaniyang barangay sa makikinabang lalo na ngayong may pandemya. Aniya, may mga kababayan din siyang kung minsan ay nangangailangan ng tulong na magpahatid sa ibang pagamutan katulad sa bayan ng Busuanga at Coron.

“Malaking tulong talaga ito, hindi lang sa amin, kundi para din sa lahat. Minsan kasi may emergency na kailangan, mas magandang may sea ambulance para mapabilis ang paghatid ng pasyente,” pahayag ni Ferriol.

Previous article190K doses of Sputnik V expected to arrive this month
Next articlePalawan ranks 19th in Travel + Leisure magazine’s Top 25 Islands in the World
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.