File photo

Mahigpit na binabantayan ngayon ng Pamahalaang Bayan ng Aborlan ang pagpapatupad ng mga bagong polisiya na ipinatutupad sa pamilihang bayan tuwing araw ng tabuan o market day, bilang bahagi pa rin ng paglaban sa banta ng COVID-19.

Umaasa si Mayor Celsa Adier na susunodang lahat ng mga market vendors at operators na may pwesto sa pamilihang bayan sa regulasyon at maging ang mga mamimili.

Ang mga bagong polisiya para sa operasyon ng market day na isinasagawa tuwing araw ng Sabado at Linggo ay inilabas sa pamamagitan ng Executive Order no.21-037 na pinirmahan ni Adier noong Hulyo 3, batay na rin sa napagkasunduan ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF).

Sa ilalim ng bagong regulasyon, hindi papayagang magbukas ang mga market vendors at operators kung walang maipapakitang negative antigen test result sa MIATF. Iniuutos din ang pag-iikot ng mga DILG hired contact tracers sa loob ng pamilihan sa araw ng tabuan upang masunod ang “No facemask no face shield no entry policy” sa inilaang entry point ng pamilihang bayan.

- Advertisement -

Ang MIATF ay naglaan din ng isang entrance at exit sa public market upang mabantayang maayos at mahigpit na maipatupad ang mga polisiya.

Ayon kay Adier maaring makansela ang business permit ng mga market vendors at operators na hindi susunod sa regulasyon.

“Kung ayaw sumunod sa regulation, hindi puwedeng magtinda, ipakansela natin ang permit nila diyan. Para sa seguridad ito ng lahat dito sa mga pumupunta ng palengke,” pahayag ni Adier, nitong araw ng Miyerkules, Hulyo 7.

“Pakiusap din natin sa mga market goers natin ay magsuot ng mask, follow our health and safety protocols. Sabagay matagal na itong paalala pero kailangang ipatupad talaga ng mahigpit lalo na kung araw ng tabuan,” dagdag niya.

Noong buwan ng Hunyo, ipinagutos din ni Mayor Adier ang pansamantalang paglipat ng loading at unloading sa mga bus at shuttle van sa dulong bahagi ng kabilang kalsada mula sa dating loading area nito sa harap ng public market.

Ani Adier, ang mga hakbang na ito ay mamaging sagot upang makaiwas ang mga mamamayan sa COVID-19 lalong-lalo na ang mga pumupunta sa public market.

Sa huling tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Aborlan nitong araw ng Martes, Hulyo 6, mayroong kabuoang 25 active cases ng COVID-19 ang bayan kung saan lima dito ang RT-PCR confirmed at 20 ang reactive sa rapid antigen test.

Previous articleLocal policemen tasked to coordinate with LGUs on travel papers
Next articleCulion priest vows to sue town for ‘political harassment’
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.