ODIONGAN, Romblon — Isinagawa kamakailan ang groundbreaking ceremony para sa itatayong bagong pasilidad ng Odiongan District Jail sa pangunguna nina J/SSupt. Revelina Sindol, Regional Director ng BJMP – Mimaropa at Mayor Trina Alejandra Firmalo-Fabic.
Ang itatayong bagong gusali ng Bureau of Jail Management and Penology sa Bgy. Anahao, Odiongan ay makakatulong para maiwasan ang pagsisiksikan ng mga nakakulong rito o tinatawag nilang person deprived of liberty (PDL).
Siniguro ni J/SSupt. Sindol na ang lupang idinonate ni Gng. Elmina Fallar (isang retiradong guro) ay magagamit sa pagpapatayo ng isang modern penal facility sa bayan at popondahan ng Regional Office ng BJMP-Mimaropa upang agad itong masimulan.
Ayon kay Gng. Elmina Fallar, bukal sa kanyang kalooban ang pagkakaloob ng 1,000 square meter na lupang pagtitirikan ng bagong pasilidad upang mas mapakinabangan ito ng mamamayan kaysa hayaan na lamang itong nakatiwangwang sapagkat wala naman aniyang pananim na tumutubo rito.
Aniya, posible pa ngang dagdagan niya ng 2,000 square meter ang loteng ibinigay nya sa BJMP upang mas maluwag at kompleto ang pasilidad na maitayo ng naturang ahensiya para hindi magsiksikan ang mapipiit dito.
Pinasalamatan naman ni J/SSupt. Sindol si Gng. Elmina Fallar na nagkaloob ng bahagi ng kanyang lupa para magamit sa mga proyekto ng pamahalan kung saan naging bahagi rin ng seremonya ang paggawad ng plake ng pagpapahalaga (plaque of appreciation) sa retiradong guro.
Ang nasabing groundbreaking ceremony ay sinaksihan din nina Vice Mayor Mark Anthony Reyes, SB Chow Chua, DILG Provincial Director German Yap, mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection at Romblon Provincial Mobile Force Company. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)