May mga bagong kagamitang pang-imprastraktura nang magagamit ngayon ang pamahalaang bayan ng Roxas matapos na isalin sa pangangalaga ng motorpool ng Municipal Engineering Office (MEO) ang ilang heavy equipment pagkatapos ng isinagawang blessing noong May 10.
Kabilang sa mga bagong heavy equipment ang isang unit ng bulldozer, backhoe excavator, road roller compactor at grader na gagamitin ng pamahalaang bayan sa iba’t-ibang proyekto kagaya ng pagbubukas ng mga bagong kalsada.
“Malaking tulong ito sa mga mamamayan ng Roxas, sa mga paraang maayos at makakapag bukas na tayo ng mga kalsada lalo yung mga farm to market road,” pahayag ni Vic Lagera, administrative officer ng Roxas.
“Mapapadali na ang mga byahe at mailalabas na ng mga farmers mga products nila ng mas mabilis, at sisipagin ang mga mgsasaka na pumunta sa bukid nila kasi madali nalang makarating sa mga sakahan nila maging sa market,” paliwanag pa ni Lagera.
Ito ay naging posible sa pagtutulungan nina Mayor Dennis M. Sabando, Vice Mayor Alfredo B. Enojas, Jr. at ng Sangguniang Bayan ng Roxas.
