Iniimbestigahan na ng City Police Station 2 ang insidente ng bag snatching na isinagawa ng dalawang hindi pa nakilalang mga suspek na riding in tandem noong Miyerkules (Enero) sa tapat ng Puerto Princesa School of Arts and Trade (PPSAT) sa Barangay Sta. Monica.
Unang napabalita ang insidente matapos ilabas ito sa Facebook ng kamag anak ng biktima.
Ayon kay Jansel Orlido, pinsan ng biktima, inagawan ng bag ng dalawang nakasakay sa motor ang kanyang pinsan at nakaladkad ito, dahilan upang ito ay magtamo ng mga sugat sa katawan.
Ayon umano sa pahayag ng biktima, pauwi na siya galing sa isang kamag anak at naglalakad sa kanto ng PPSAT nang may nanghablot ng kanyang bag at nasama siya sa paghila kaya nakaladkad.
“Nakaladkad ako ng motor habang hila-hila nila ang bag ko. Wala naman silang nakuha sa akin, pero pasa at sugat lang ako. Sumigaw ako nang sumigaw, tapos naglabasan ang mga tao. Hinabol nila yong riding in tandem pero hindi naabutan,” pahayag ng isang nagpakilalang “Miks”.
Ayon kay P/Maj. Alevic Rentino, Hepe ng City Police Station 2, una nilang nakita sa Facebook ang naturang insidente kaya nag-utos agad siya na ito ay imbestigahan.
Ikinalungkot din ni Rentino na katulad ng ibang hinaing ng mga awtoridad ay mas nauna pang mag-post ng reklamo sa social media ang mga biktima, bago sa tamang ahensya.
“Kasi una pa silang nagre-report sa social media bago sa authorities. Posible kasi na may iba pa yang mabiktima, kung hindi agad mahuli,” pahayag ni Rentino.