Si Romulo A. Bacorro, Jr. (gitna) habang nanunumpa bilang bagong gobernador ng Marinduque kay Marinduque Representative Lord Allan Q. Velasco (kanan). (Larawan mula kay Erwin M. Penafiel)

BOAC, Marinduque — Idineklarang bagong gobernador ng Marinduque si dating bise-gobernador Romulo A. Bacorro, Jr.

Nanumpa si Bacorro kay Marinduque Lone Representative Lord Allan Q. Velasco na nasaksihan nina dating Supreme Court Justice Presbitero Velasco, Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr. ng Diyosesis ng Boac, at mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan (SP).

Maging ang ilang mga department head ng bawat tanggapan ay naging saksi sa panunumpa.

Matapos ito ay nakiusap ang bagong gobernador sa mga ahensya at tanggapan na suportahan siya sa pamamalakad sa probinsya. Aniya, hindi niya kakayanin mag-isa ang pamumuno dahil maiksi lamang ang limang buwan na panunungkulan.

Si Bacorro ang maninilbihan bilang gobernador ng Marinduque simula Enero hanggang Hunyo 31 matapos ang pagpanaw ni dating gobernador Carmencita O. Reyes dahil sa sakit na aortic abdominal aneurism. (ADSD/PIA-Mimaropa/Marinduque)

Previous articlePRO-Mimaropa warns, gun ban violators will be penalized
Next articleMapayapang halalan sa OccMin, isinulong ng iba’t ibang ahensya