Home NEWS OF THE DAY Backride Palawan rider sinita sa operasyon ng HPG

Backride Palawan rider sinita sa operasyon ng HPG

2
0

Sinita ng mga operatiba ng Philipine National Police-Highway Patrol Group (HPG) ang isang rider ng Backride Palawan noong Miyerkules ukol sa legalidad ng operasyon ng grupo nito na magsakay ng mga pasahero.

Ayon kay P/Maj. Ariel Abanto, walang maipakitang sapat at kaukulang dokumento ang rider subalit matapos ang pakikipag-usap ng isa sa mga opisyal ng grupo ay pinakawalan din nila ang driver.

“Wala silang maipakita, OR at CR lang at saka license ng rider ang dala. Walang ibang  dokumento,” dagdag niya.

Dumating din sa lugar ang administrator at founder ng Backride Palawan na si Vergel dela Fuerta ngunit bigo ding magpakita ng mga hinahanap na dokumento, ayon kay Abanto.

“Wala na silang maipakitang dokumento. Tapos nag-namedrop pa ng kung sinong mga tao, at punakahuli nga yung LTO, na ang sabi daw ay hindi sila pwedeng hulihin”, saad pa ng Hepe.

Tinawagan ng HPG ang hepe ng Land Transportation Office-Palawan (LTO) na si Antonia  Dela Cruz at pinasinungalingan naman nito ang pahayag ng Backride Palawan

“Sinabi nya na walang ganoong instruction. Sa halip, ayon daw sa utos mula kay Asec. Galante, hindi  pwedeng bumiyahe ang  Backride Palawan kung walang maipakitang sapat na dokumento,” ani Abanto.

Sa huli ay inabisuhan na lang ng HPG ang grupo ni dela Fuerta na makipag-ugnayan sa pamahalaang panglunsod at sa mga kinaukulang ahensya patungkol sa operasyon nito.

 

Previous articleIsrael seeks Filipino caregivers
Next articleIATF-TWG to discuss mask requirement for private vehicles
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.