Isang babaeng may kasong estafa ang dinakip ng tauhan ng Puerto Princesa City Police Station 2 (PS 2) sa Wescom Road, Barangay San Miguel, noong Biyernes ng hapon, Pebrero 26.

Ang suspek ay kinilalang si Violeta Delfin Pulga, 55 taong gulang.

Si Pulga ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba sa kanya noong February 8 at July 27, 2017.

Ayon kay P/Maj. Alevic Rentino, hepe ng PS 2, matagal ng minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek, matapos malaman ang pinagtataguan nito nang matagal na panahon ng kanyang mga nabiktima.

- Advertisement -

“Hinuli siya sa kasong estafa kung saan maraming tao itong nabiktima. Kung matatandaan natin mga nakaraang taon naka-scam sila ng ilang milyon sa mga tao. Ito ay nangyari noon sa PALECO na kinabibilangan niya na sa may biochemist banda, mga 2016 siguro iyon nangyari,” saad ni Rentino.

“Sa sumbong ng  residente nahuli natin ang akusado sa loob ng bahay niya. Matagal na natin itong hinahanap kaya lang hindi natin ma-locate dahil tago ito nang tago,” dagdag niya

Si Pulga ay kasama noon sa mga nanloko sa ilang libong tao sa lungsod na pinangakuang dodoble ang balik ng pera sakaling sila ay mag-invest sa kompanya ng mga ito.

“Pinursue ng mga biktima ang kaso kaya nafile-an siya ng Syndicated Estafa. Mga nakaraang taon nahuli na ang mga kasama niya pero di ko lang sigurado kung ilan lahat iyon, marami kasi,” paliwanag ni Rentino.

Mananatili si Pulga sa pangangalaga ng PS 2 at walang inilaang kaukulang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Previous articleHigh value target ng iligal na droga, inaresto ng PDEA sa Narra
Next articleRio Tuba connection to main power grid nears completion