Ang Facebook account ng negosyanteng si Irish Cervantez na mula sa Barangay Alfonso XIII.

Isang negosyante mula sa bayan ng Quezon ang inirereklamo ng ilan sa mga naging kliyente matapos na diumano ay hindi tumupad sa kasunduan sa buy and sell ng mga produkto mula sa Palawan.

Sa kuwento ni Janine Estiandan, residente ng Brooke’s Point, nakilala niya diumano sa Facebook ang negosyanteng si Irish Cervantez na mula sa Barangay Alfonso XIII nang nabanggit na bayan, kung saan sila ay nagkaroon ng transaksyon.

Ayon sa kanya, napagkasunduan niya at ng isang kaibigan sa Maynila na magsimula ng buy and sell kung saan, mamimili siya ng produkto sa Palawan at ipapadala sa kaibigan.

“Nag-post ako sa isang (Facebook) page dito sa Brooke’s Point na naghahanap ako ng supplier ng crabs. Maraming na-mention pero sa lahat ng naka-chat ko, siya lang ang available na makapagpa ship ng crabs sa Manila. Nakipag-deal ako sa kanya noong August 17, at nagpadala agad ako ng P18,700 sa kanya,” pahayag ni Estiandan.

Kinabukasan, sinabi ni Cervantez na ipapadala na ang mga produkto sa Manila at naghintay umano ng mahigit dalawang oras ang kaibigan ni Estiandan sa airport ngunit walang dumating na alimango. Dito ay nagsimula umano ang maraming alibi ni Cervantez.

- Advertisement -

“August 18, nag-aabang na ang kaibigan ko sa Terminal 2 kasi doon daw po ang pick-up ng crabs pero wala daw dumating na cargo galing Palawan. Hindi pa ako nagduda kasi ang dami pa niyang paliwanag, kesyo nag-offload daw ang eroplano at naiwan daw ang cargo niya at walang naipa-ship,” dagdag niya.

Nag-imbestiga naman diumano ang kaibigan niya sa Maynila at napag-alaman nga nito sa Facebook ang mga umano’y panloloko ni Cervantez sa mga naka-transaksyon nito.

Isang nagpakilalang Michael na mula sa Mamburao sa lalawigan ng Occidental Mindoro naman ang nakaugnayan din ng Palawan News at nagkuwento na nagpadala siya ng P60,000 na halaga ng pera. Ayon sa kanya, nakilala niya si Irish Cervantez noong July 15 mula sa isang Jaypee Acosta Alinsasaguin na nakilala niya sa rin Facebook Page na Seafood Philippines.

“Nag-inquire ako sa kanya regarding sa giant squid, tiningnan ko ang account niya (Facebook) at legit naman. After ‘nun ipinasa niya ako kay Irish. Humingi sila sa amin ng partial payment na P30,000 tapos kinagabihan, nag-transfer ako ng P30,000 kay Angel Diego Ayala,” kuwento ni Michael.

Pero dahil masama ang panahon noon, naintindihan daw ni Michael at business partner niya kung bakit hindi mai-ship ang cargo. Nagpadagdag ng panibagong P30,000 noong July 18 ang babae na agad din nilang ipinadala.

“Ok naman kasi from time to time, nagbibigay naman siya ng update, tapos ipinakikita din niya ang stocks, kaya naniniwala talaga kami, tapos may DTI (permits from Department of Trade and Industry) din naman, kaya nagpadala nanaman kami ng another P30,000,” paliwanag niya.

Dahil sa bagyo, makailang beses na nakansela umano ang mga biyahe ng eroplano at nang gumanda na ang panahon ay siniguro na ni Cervantes na matutuloy na ang flight.

Sa pagkakataong ito ay bumiyahe na si Micheal patungong Maynila para makuha ang isang toneladang giant squid na nagkakahalaga naman ng P150,000.

Ngunit lumipas ang limang araw ay walang dumating at matapos ang paliwanagan ay nag-desisyon si Michael na umuwi na lang sa Mindoro at humingi na lang ng refund.

“Naibalik naman niya ang P30,000 paunti-unti. May P10,000 tapos P3,500 tapos, mayroon pa nga siyang ipinadalang fake receipt ng refund. May naiwan pang P30,000 pero ok na sa amin kahit wag nang maibalik, basta ma-stop na lang ang ginagawa niya, kasi ang dami na pala niyang nabiktima. Nakakaawa naman,” ayon kay Michael.

Isang gasoline boy din ang nagrereklamo labay kay Cervantez na umano’y nagpadala ng P10,000 para sa binibentang cellphone ngunit hindi rin ipinadala.

Ayon naman kay Najib Abdulfattah, isang negosyante na kapit bahay ni Cervantez, nakakuha rin ito sa kanya ng halagang P235,000 noong December 29, 2020, at nangakong babayaran agad. Malaki naman umano ang tiwala niya sa babae dahil kapit bahay naman niya ito at kilala ng pamilya.

“Ang negosyo ko kasi, sa GCash at saka sa RCBC ATM. Nagsimula ang transaction namin sa mga maliliit na halaga lang, hanggang sa palaki nang palaki at umabot sa P235,000 noong December 29, 2020. Sinabihan niya ako na ‘pondohan mo ang GCASH ko at bank account ko para ipangbayad ko sa mga supplier ko’,” ani Abdulfattah.

Bukod sa hindi na siya nababayaran ng babae, pinadalhan din siya nito ng fake bank transaction na nagkakahalaga ng P175,000 at sinabing babayaran na lamang daw ng cash ang naiwang halaga.

Dahil dito, napilitan nang magsampa si Abdulfattah ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa inirereklamo.

Sinisikap ngayon ng Palawan News na makaugnayan sina Cervantez at Alinsasaguin para mahingan ng panig, samantalang si Ayala naman ay tumangging magbigay nang pahayag.

Previous articleSocrates promises “good governance” if elected
Next articleIsko Moreno announces presidency plans
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.