Isang babaeng negosyante ang nasawi matapos maaksidente ang sinasakyan nitong kotse kasama ang mga anak nito, sa national road sa may bahagi ng Barangay Iraan sa bayan ng Aborlan, Miyerkules ng umaga.
Kinilala ng Aborlan Municipal Police Station (MPS) ang nasawi na si Salasha Hasan Arsad, 58, residente ng bayan ng Espanola.
Naaksidente umano ang sasakyan matapos matanggal ang gulong nito sa bandang kaliwang likuran ng sasakyan kaya ito bumangga sa poste ng Globe sa bandang kaliwa ng kalsada at bumaliktad. Dagdag pa sa ulat na inilabas ng himpilan, ang sasakyan ay galing ng lungsod patungong Sofronio Española.
Ayon kay P/SMS. Jodiny Temple, imbestigador sa pangyayari, apat ang sakay ng sasakyan — isa na rito ang anak ng nasawi na si Radjma Arsad, 27 at driver ng kanilang sinasakyan, 10 taong gulang na batang lalaki na anak rin ng nasawi, at isang 18 gulang na lalaking nagtatrabaho sa pamilya Arsad.
“Nagkaroon siya ng serious injury sa kanyang ulo (ang nasawi), tumutulo na rin ang dugo sa bibig niya nang sila ay ma-rescue ng Rescue 165 Aborlan personnel,” saad ni Temple sa panayam nito sa Palawan News.
“Sa tingin ko, maaring sa loob ng sasakyan siya tumama, kasi sa bandang likod siya nakaupo na kung saan doon banda tumama ang sasakyan sa poste ng Globe telecom.” dagdag pa ni Temple.
Nagkaroon lamang ng kaunting galos ang kasamahan ni Arsad at sa kasamaang-palad, siya ang napuruhan sa insedente.
Matapos madala si Arsad sa Aborlan Medicare Hospital, kinabukasan ng umaga ay agad naman itong dinala sa Palawan Adventist Hospital sa lungsod upang ipagamot, ngunit kalaunan ay nasawi rin ito.
Dagdag pa ni Temple, sa tingin niya ang bangkay ni Arsad ay nailibing na sa ngayon sapagkat ito nga ay mga muslim at isang araw lang ginagawa ang burol.
(With a report from Jayra Joyce Taboada)