Ang Toyota Hi-ace (kaliwa) at ang Toyota Hi-lux (kanan) na nasangkot sa banggaan sa Km. 28 sa Barangay Santa Lucia, Puerto Princesa City, noong umaga ng Pebrero 13, 2022. Isa ang nasawi sa nangyaring aksidente. (Mga larawan na kuha ni Sheryl Grace Ciudad Herrera)

Isang 16 taong gulang na babae ang kumpirmadong nasawi sa aksidente na naganap kahapon, Pebrero 13, sa pagitan ng puting Toyota Hi-ace at puti rin na Toyota Hi-lux sa Km. 28, South National Highway sa Barangay Santa Lucia dito sa Puerto Princesa City.

Ang nasawi ay kinilalang si Jona Padama, na binawian ng buhay pasado alas dose ng gabi, Pebrero 14, ayon kay Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 2 chief P/Maj. Noel Manalo.

“Namatay pasado alas dose ng madaling araw kanina yong isang minor na si Jona, sakay ng van,” pahayag niya.

Maliban kay padama, nasa ospital pa ang ibang pasahero ng Toyota Hi-ace ng Jumong transport services na sina Violeta Custodio, 38; isang 5 taong gulang na batang babae; Jerome Bon-Bon, 21; Richard Conde, 46; John Eric Conde, 19; Mark Angelo Mahinay, 20; Dan Aldiren Madera, 31, at ang driver na itinuturing din na suspek sa ulat ng PPCPO Station 2 na si Michael Ampan, 29.

- Advertisement -

Ang konduktor ng van ay kinilalang si Ford Lascuña, ngunit hindi malinaw sa police report kung ano ang kalagayan nito o kung ito ba ay nasa ospital.

Ang sakay ng Toyota Hi-lux ay kinilala naman na si Salina Caliguid, 53, samantalang ang driver ay si Edgar Caliguid, 25, na diumano ay anak nito, at nagtratrabaho bilang draftsman sa pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa.

“Wala pa tayong report [tungkol] sa ibang victim, sa van kasi marami doon gasgas lang. Ang mag-ina na sakay ng pick-up dinala sila sa private hospital dito, pero aalamin pa natin kung kumusta na ang kalagayan nila o kung nakalabas na ba,” ayon kay Manalo.

Base sa imbestigasyon ng PPCPO Station 2, parehong nagmamaneho sa South National Highway ang dalawang driver ng mga sasakyan. Ang Toyota Hi-lux na minamaneho ni Caliguid ay galing ng Puerto Princesa patungo ng Aborlan, samantalang ang Toyota Hi-ace na minamaneho ni Ampan ay galing sa bayan ng Quezon papunta ng lungsod.

Pagdating sa kurbadang bahagi ng Km. 28, ayon kay Manalo, gumiwang ang Toyota Hi-ace sa kaliwang bahagi at inukupa ang lane ng Toyota Hi-lux. Hindi nakapag-preno ang driver ng Toyota Hi-lux na si Caliguid na siyang dahilan kung bakit bumangga ito sa kanang bahagi ng Toyota Hi-ace.

“Galing ng Puerto ang Hi-lux to Aborlan sana. Papunta naman ng Puerto galing Quezon ang van, may sakay na 9 katao, pagdating dyan sa Kilometer 28, kurbada, nadulas ang gulong niya, kinabig niya pakaliwa, doon nagkasalubungan,” pahayag ni Manalo base sa imbestigasyon.

Dahil sa lakas nang banggaan ay tumagilid ang Toyota Hi-ace at napunta sa gilid ng kalsada.

Sasampahan ang driver ng Toyota Hi-ace ng reckless imprudence resulting to homicide, ayon kay Manalo.

Previous articlePolice roundup: Pitong sabungero inaresto dahil sa ilegal na tupada sa Cuyo at Araceli
Next articleSaying It Sweetly 2.0 at The SM Snack Exchange
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.