(Updated) Naaresto sa isang manhunt operation na ikinasa ng iba’t ibang law enforcement units ang wanted na political instructor at finance officer ng Kilusang Larangang Girilya (KLG) North ng Bienvenido Vallever Command (BVC) na si Marcila “Nene” Batoan, alyas Maria, kaninang 4:45 ng madaling araw, Setyembre 15, sa Sityo Nagkulon Bantid-Bantid, Barangay Decalachao, Coron.
Si Batoan na kilala sa kilusan bilang si Ka Teri, Ka Elsa, at Ka Karen ay itinuturing na “high-valued individual” ng awtoridad mula sa New People’s Army (NPA) sa Palawan. Siya ay inaresto dahil diumano sa sangkot siya sa pagpaslang kay SPO1 Marvin Adier sa San Vicente ilang taon na ang nakalilipas.
Napag alaman din na ito ay may patong na P600,000 bilang wanted sa ilalim ng Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa paunang ulat ng Coron Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni P/Cpt. Ervin Plando, ang pagdakip kay Batoan ay dahil sa mga warrant na inisyu nina Judge Ramon Chito Mendoza ng Branch 45 ng 4th Judicial Region sa Brooke’s Point para sa kasong robbery with homicide at Judge Anna Leah Mendoza ng Branch 164 ng 4th Judicial Region sa Roxas para sa kasong murder.

“Sa kasong robbery with homicide niya wala akong info sa ngayon kung saan niya ito na-commit, pero ang murder case niya na-commit ito sa San Vicente kung saan ang napatay ay si SPO1 Marvin Adier,” ayon sa pahayag ni Plando sa Palawan News ngayong Miyerkules.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Batoan sa mga inisyu na warrant.
Kabilang sa mga unit sa manhunt operation ang Naval Forces West (NFW) ng Philippine Navy; 23rd Marine Company ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3); 3rd Marine Brigade; Regional Intelligence Unit 4B; Provincial Intelligence Unit, Palawan Police Provincial Office; 401stB MC, RMFC4B; 2Palawan Provincial Mobile FC, at JTF-Malampaya.