(PN File Photo)

Inirekomenda na ng piskalya na sampahan ng kasong estafa ang babaeng inireklamo ng panloloko ng isang negosyante sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ang suspek na kinilalang si Karen Joyce Gorosin ay inireklamo ni Jhoana Tamba matapos na isangla nito sa kanya ang kotseng Hyundai Accent sa halagang P372,000 noong Hunyo 10, 2021.

Sa salaysay na isinumite ni Tamba, ipinakita sa kanya ni Gorosin ang isang photocopy ng official receipt at certificate of registration ng nasabing sasakyan at sinabing kailangan niya ng paunang halaga na P100,000 para makuha ang orihinal na kopya na noon ay nasa pangangalaga ng isang tao sa Barangay San Pedro.

Buwan ng Agosto naman ng isang lalaki ang kumausap kay Tamba tungkol sa nasabing sasakyan at dito niya nalaman na nirentahan lamang ito ni Gorosin na mayroon umanong kailangang bayaran.

- Advertisement -

Dahil dito, sinabihan ni Tamba si Gorosin na tubusin ang sasakyan sa loob ng tatlong linggo subalit kinabukasan ay hindi na niya ito makontak. Nagtanong pa si Tamba sa mga kamag-anak nito ngunit wala ring makapagbigay ng impormasyon kung saan ito naroon.

Makalipas pa ang ilang araw ay nagulat na lamang umano si Tamba ng makita niya sa Facebook na naka-post na ang sasakyang isinangla sa kanya na sinabing nirentahan lamang ni Gorosin. Nalaman din niya na ang mga ipinakita sa kanyang dokumento ay peke matapos i-verify sa Land Transportation Office (LTO).

Dahil dito, nagpunta si Tamba sa National Bureau of Investigation (NBI) upang i-turnover ang sasakyan at magsampa na rin ng reklamo.

Matapos magpakita ng kaukulang dokumento ay nabawi rin ng may-ari na si Arvin Magbanua ang sasakyan.

Hanggang sa kasalukuyan naman ay pinaghahanap pa rin si Gorosin.

Previous articleThe SM Store Puerto Princesa turns over 587 toys donated by shoppers
Next articleDriver na nakaidlip sa pagmamaneho, naaksidente sa Sofronio Española
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.