Isang babae ang nakatakdang sampahan ng kaso sa Puerto Princesa matapos na lumabag sa health protocols, at magdaos ng birthday party nitong Lunes ng gabi, Mayo 17, sa kabila ng kalagayan nito na siya ay dapat naka-home quarantine matapos na ma-expose sa isang nag-positibo sa COVID-19 at naging reactive din sa antigen test.
Ayon sa hindi pinangalanang source ng Palawan News, ang babae ay residente ng People’s Village sa Barangay San Jose.

Sa panayam kay City Anti-Crime Task Force chief Richard Ligad, humingi ng tulong sa kanila ang mga opisyal ng Brgy. San Jose at ang Incident Management Team (IMT) upang tunguhin ang bahay ng nasabing residente kung saan ito nagpa-party.
“Dinala siya sa quarantine facility agad, at ang mga kasama niya na umattend ng party ay itinurn-over sa kani-kanilang mga barangay para ma-monitor at ma-home quarantine. Pinag-aaralan na rin ng IMT — ipino-proseso na din ang pagsasampa ng kaso laban dito sa babae,” pahayag ni Ligad.
Maliban dito, posible ring maharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 11332 ang babae matapos na mamataan itong naglilibot sa One Asenso Mall at Baker’s Hill.



