Isang babae ang inirereklamo ng ilang indibidwal dahil sa panloloko sa negosyo at pagsangla ng sasakyan at titulo ng lupa na walang pahintulot sa Puerto Princesa City.
Ayaw munang magpabanggit nang nagrereklamo nang makausap ng Palawan News, ngunit ang inaakusahan niya ng panloloko ay nagngangalan na Karen Gorosin.
Ayon kay Victim A, nabaon siya sa utang dahil umano sa panloloko ni Gorosin sa pera na inutang sa kanya para sa isang lending business na kalaunan ay hindi naibalik.
“Dalawang taon na kaming magkakilala na nagsimula sa isang product, hanggang nagtiwala na ako sa kanya. Nag-invest ako ng pera sa negosyong pautang daw niya sa Capitol. Noong una, may bumabalik pa pero nang tumagal na ay wala na,” pahayag ni Victim A.
Sa kanyang pagkukuwento, sinabi niya na noong nalipat siya sa kanyang trabaho, iniwan niya umano ang kanyang kotse kay Gorosin, ngunit ito ay ibinenta nang hindi niya alam.
May inialok diumano sa kanyang sasakyan ang suspek na isinangla dito ng P75,000 pero hindi nagtagal, sinabihan siya nito na nagpapadagdag ang may-ari ng P50,000.
“Wala na akong pera, kaya pinabalik ko, pero hindi na nakabalik ang pera ko at marami siyang dahilan. May isinangla nanaman siyang isang sasakyan hanggang pumutok na nga ang isyu. Nagulat ako nag-alala na rin kaya ipinakuha ko sa kaanak niya at ipinahanap ko ang may-ari dahil nagdududa ako na pati iyon ay ninakaw din,” paliwanag ni Victim A.
Ayon pa kay Victim A, marami nang tumatawag sa kanya kaya nag-report na rin siya sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para humingi ng tulong.
Samantala, noong July lamang ay may reklamo na rin laban kay Gorosin sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Palawan na may-ari ng isang rent-a-car shop sa Barangay San Miguel. Inaresto ito ngunit pinakawalan rin matapos umatras ang nagrereklamo.
“May report na siya dito sa amin, nagbenta siya ng kotse na fake ang OR (original receipt) at CR (certificate of registration) tapos, pumunta rin ang may-ari dito at sinabi nga na ni-rent ang kotse nila at hindi na ibinalik, at ito na nga nahuli namin,” sabi ni Macachor.
“Unfortunately, this complainant did not pursue the complaint dahil nangako ang suspek na babayaran sila ng buo sa nakuhang pera. Matapos ang isang linggo ay bumalik daw ang mga nagrereklamo sa kadahilanang hindi daw tumupad sa usapan ang suspek,” dagdag pahayag ni Macachor.
Ayon kay Macachor, posibleng may kasabwat si Gorosin sa mga gawain nito, lalo na sa pag-peke ng dokumento.
“Wala pa naman na-identify na mga kasamahan ito sa ngayon, pero posible, kasi yung pagpeke ng mga dokumento, siguro ginagawa ito ng grupo,” aniya.
Nakausap ng Palawan News ang isa sa kapatid ni Gorosin para sa pahayag nito, ngunit Huwebes pa umano nila huling nakita ito.
