Oct 29, 2020

Away sa trabaho, dahilan ng pamamaril sa hepe ng security agency

Habang nagtatalo, bigla na lamang bumunot ng 9mm Armscor na baril ang suspek at pinaputukan si Sumagaysay na tinamaan sa kaliwang bahagi ng dibdib.

Pagtatalo na may kaugnayan sa trabaho ang posibleng dahilan ng pagbaril at pagpatay ng isang security guard sa hepe ng kanilang security agency sa Sitio Bobolungan, Barangay Corong-Corong, Bayan ng El Nido, Biyernes ng umaga.

Suspek sa pangyayari ang security guard na si Rodel Casidsid, 30, at ang biktima naman ay kinilalang si Rogelio Sumagaysay Jr., 34, residente ng Puerto Princesa na pansamantalang nakatira sa El Nido.

Ayon sa pahayag sa Palawan News ni P/SSg. Reena Jane Gonzales, imbestigador ng insidente, ang puno’t dulo ng pamamaril ay pagtatalo hinggil sa trabaho.

“Yung victim allegedly prior ng incident pinagsasabihan niya yong suspect sa trabaho. Allegedly yong suspect hindi nag-duty sa assigned post, hindi din nagsusuot ng uniform kapag duty as security guard then allegedly dinadala ng suspect yong company issued firearm kahit off duty ang suspect,” sabi ni Gonzales.

Sa kanilang imbestigasyon, si Casidsid at si Sumagaysay ay nasa lupang sakop ng San Antonio Corporation sa gilid ng isang vulcanizing shop.

Habang nagtatalo, bigla na lamang bumunot ng 9mm Armscor na baril ang suspek at pinaputukan si Sumagaysay na tinamaan sa kaliwang bahagi ng dibdib.

Nadala pa sa 4k Clinic ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival. Ang baril na ginamit ng suspek ay hawak sa ngayon ng istasyon, habang patuloy ang pagtugis sa suspek na agad na tumakas matapos gawin ang krimen.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry