Mon. Jan 20th, 2020

Away dahil sa aso, isa ang patay sa Brooke’s Point

Isang 79 anyos na lalaki sa bayan ng Brooke’s Point ang patay dahil sa away sa aso na nauwi sa pananaga noong Sabado, October 13.

Kinilala ang biktima na si Olimpio Delbario na residente ng Purok 4, Barangay Mambalot, Brooke’s Point.

Namatay ang matandang lalaki matapos tagain sa ulo ng suspek na kinilala ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) na si Reson Dayanan.

Sa panayam ng Palawan News sa suspek, sinabi nito na nagkaroon sila ng pagtatalo ni Delbario dahil sa alaga nitong aso.

“Tinutulak ko yung motor ko pauwi kasi wala ng gasolina. Noong tumahol ang aso nya, sinabihan ko sya na tabugin nya, pero nagkasagutan na kami tapos sa init ng ulo ko ay nataga ko sya,” ayon kay Dayanan.

Sabi ni Dayanan, di niya inakala na ikamamatay ng suspek ang kanyang pagtaga dito kaya dahil sa takot ay agad siyang tumakas.

“Tumakbo na po ako kasi nakaramdam ako ng takot,” dagdag pa ng suspek.

Ayon naman sa spot report ng Brooke’s Point MPS, sa pangunguna ni Chief Inspector Randell M.  Sabtula,  nasaksihan ng dalawang binatilyong hindi na binanggit ang pangalan ang pananaga sa biktima.

Sa kuwento ni Sabtula, matapos magtamo ng sugat sa ulo ang biktima ay sinikap pa  nitong tumakbo upang humingi ng tulong subalit nagpasuray-suray na ito at natumba.

Boluntaryo namang sumuko si Dayanan sa mga pulis. Nahaharap siya ngayon sa kasong murder.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry