Umaasa si Araceli mayor Sue Cudilla na matapos magtamo ng matinding pinsala ang kanilang bayan dala ng bagyong Odette ay agad din silang magsisimulang muli upang makakabangon.
Ang bayan ng Araceli ay isa sa pinakamalubhang napinsala ng pananalasa ng bagyo noong araw ng Biyernes, Disyembre 17.
Ayon kay Cudilla, bagama’t malaki ang pinsalang natamo ay unti-unting makakabangon ang bayan sa tulong na rin ng pamahalaang panlalawigan at nasyunal.
“Durog na durog ang Araceli, walang itinira sa amin. Magsisimula ang bayan sa zero, pero alam ko na nandiyan ang gobyerno. Mga isang taon, makakabangon kami. Medyo matagal, pero babangon kami,” pahayag ni Cudilla.
Apat na araw matapos ang pananalasa ng bagyo ay unti-unti nang dumarating ang tulong ng gobyerno sa bayan
Nauna nang dumating ang unang bahagi tulong na 350 food packs at 500 sako ng bigas mula sa tanggapan ni Bise Presidente Leni Robredo nitong araw ng Miyerkules, Disyembre 22, habang nangako ito ng karagdagan pang 1,000 sako ng bigas.
“Dumating sakay ng bangka ang tulong sa amin. Nagpapasalamat kami at kahit papaano, apat na araw after ng bagyo may dumating ng tulong sa amin,” ani Cudilla.
Dagdag niya, sa laki ng pinsala na iniwan ng bagyong Odette sa bayan ng Araceli, at kawalan ng tulong ng gobyerno apat na araw matapos ang bagyo, ay nagsimula nang mag-alala ang mga tao.
Ayon pa sa kanya, bagama’t hindi pa kumpleto ang bilang ng pamilya na apektado ng bagyo katulad ng nawalan ng bahay at kabuhayan, nagdeklara na ang MDRRMO ng Araceli na nasa 95 percent ang naapektuhan ng bagyo.
“Personally, hindi kakayanin ng resources ko at ng fund ng munisipyo ngayon na matulungan lahat ng mga nasalanta ng bagyo. Kaya ginagawa namin ang lahat na kahit unti-unti ay makahingi tayo ng tulong sa provincial at national government para kahit kaunti, guminhawa ang kalagayan ng mga taga-Araceli,” paliwanag niya.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring daloy ng kuryente at tubig sa bayan samantalang ilang piling lugar lang ang mayroong signal.
Kabilang naman sa mga napinsala sa bayan ang mga eskwelahan, mga kagamitan para sa mga modules ng mga mag-aaral, covered gym, nabuwal na mga puno, kabahayan at iba pang gusali, mga pananim at mga bangkang pangisda.
