Ang nasunog na SeaDive Bar sa Coron (Photo courtesy of Piaya Balilo Mendez)

Apat ang bilang ng naitalang wildfire at structural fire sa lalawigan ng Palawan bago at pagkatapos ng selebrasyon ng Bagong Taon, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa Barangay Poblacion 3 sa bayan ng Coron, tinupok ng apoy ang kilalang tatlong palapag na Sea Dive Resort bandang 11:40 nang gabi noong Enero 2.

Walang iniulat na nasaktan sa sunog sa nasabing coastal establishment, at hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng mga imbestigador ng BFP sa Coron ang sanhi nito.

Kilala ang hotel resort na ito sa mga diver’s sapagkat sa lalawigan, ito lang ang mayroong recompression chamber.

Ayon sa ilang residente ng Coron, “iconic” na establisyemento itong maituturing dahil kasabay ito sa tuluyang pag-usbong ng turismo sa naturang bayan.

Sa Brgy. Capayas naman sa Dumaran, isang grassfire ang naitala bandang 6:22 nang gabi nang December 30. Naapula ito noong December 31 bandang 12:18 nang tanghali.

Sa Brgy. Sta. Teresita naman sa nasabi rin na munisipyo, isang abandonadong bahay ang nasunog sa kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon noong Enero 1 bandang 12:18 nang madaling araw.

Sandali lamang ang sunog dahil agad din itong naapula.

Tuloy-tuloy naman hanggang ngayon ang grassfire sa bundok sa Sitio Niatakan, Brgy. Calawag sa Taytay, na nagsimula pa noong hapon ng Enero 1.

“Naireport bandang 1:59 ng hapon, mountinous area kasi siya, di mapasok ng mga bumbero natin, possible po na cause nito ay yung mga natuyong dahon noong bagyo,” ayon pa rin sa BFP.

About Post Author

Previous articlePuerto Princesa to focus on post-Odette recovery priority projects
Next articleOdette survivors, appealing for construction materials to rebuild homes
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.