Ibinalik na sa modified general community quarantine (MGCQ) status ang apat na lugar sa Barangay Punta Baja sa bayan ng Rizal ngayong araw ng Miyerkules, Hunyo 9, matapos isailalim sila sa 14 na araw na ECQ o “critical zone” noong Mayo 26.
Ang mga lugar na ito ay ang mga purok ng Liwayway, Pakpaklawin, Mahogany, at Pagkakaisa. Isinailalim sila sa ECQ dahil sa mga naitalang kaso ng COVID-19 na ang mga kapamilya ay nagpositibo sa rapid antigen test (RAT) noong huling linggo ng buwan ng Mayo.
Ayon kay punong barangay Roselito Macahipay, nakita niyang malaki ang naging epekto ng pagsasailalim sa ECQ ng mga lugar na ito dahil naiwasan ang hindi kailangang paglabas sa bahay ng mga residente na naging dahilan ng pagbaba ng bilang nang naging reactive sa antigen test.
“Ako ay naniwala na malaking bagay ang pagsasailalim ng apat na purok sa ECQ dahil halos wala nang naitalang nag-positibo sa antigen at COVID sa mga residente. Naiwasan ang paglabas na hindi naman importante,” pahayag ni Macahipay.
Pinasalamatan din ng kapitan ang mga health workers at frontliners sa kaniyang barangay na hindi napagod para magbantay sa mga boundary ng apat na purok upang maayos na maipatupad ang community lockdown.
“At least ngayon, okay na at wala na tayong ipag-aalala pa na tataas pa ang hawaan sa Punta Baja dahil sa ECQ na ito. Ginawa rin natin ang lahat at tayo sa barangay ay namigay din ng mga food packs sa apektadong mga residente,” dagdag niya.
Muli ring nagpaalaala si Macahipay sa mga mamamayan sa Punta Baja na sundin pa rin ang mga MGCQ guidelines upang makaiwas sa banta ng COVID-19.
Samantala, sa huling daily bulletin ng Municipal Health Office (MHO) nitong araw ng Martes, Hunyo 8,may kabuuang 17 COVID-19 active cases ang kasalukuyang binabantayan sa kanilang quarantine facility habang mayroon ding 39 suspects cases ang bayan.