Bangka na napadpad sa aplaya ng Brgy. Panitian, Quezon sakay ang apat na mangingisda. | Larawan mula kay Hassana Mataria Lidjan

Ligtas na nakabalik sa kani-kanilang mga pamilya ang apat na mangingisda mula sa Barangay Iraan sa bayan ng Rizal matapos silang abutan ng sama ng panahon sa gitna ng laot at mapadpad sa karagatang sakop ng Brgy. Panitian sa bayan ng Quezon noong Miyerkules ng gabi, Hulyo 14.

Kwento ni Armia Loguin, kapatid ng isa sa mga mangingisda na si Jumail Alliodin, sa Palawan News, umalis ang kaniyang kapatid kasama si Sayrolla Oshita at isa pang bangka na may lulan ding dalawang mangingisda dakong alas nuwebe ng gabi noong Miyerkules.

Ani Armia, noong oras na iyon ay maganda naman ang panahon sa baybayin at hindi naman malakas ang alon.

“Kapag umaalis po sila, kalimitan umuuwi sila sa umaga o madaling-araw pero pagkaumaga nagtaka na po kami na bakit hindi sila nakabalik. Kinabahan na kami dahil noong madaling-araw ay malakas na ang hangin sa aplaya at malakas ang ulan pati ang alon,” pahayag ni Armia nitong Sabado, Hulyo 17.

“Kaya nag-post ako agad sa Facebook na baka may makapansin sa kapatid ko at kasama niya na napadpad kung saan ay para malaman namin na ligtas sila,” dagdag niya.

Ayon pa sa kanya, isang residente ng Brgy. Panitian sa bayan ng Quezon ang nagbigay ng impormasyon sa kanila na may mga napadpad ngang mga mangingisda doon, noong Biyernes ng umaga at nakumpirma nilang isa nga dito ang kapatid niya, kasama ang iba pang mga mangingisda.

Kuwento naman ni Jumail, nasiraan sila ng makina sa gitna ng laot kaya hindi na sila nakabalik agad sa Iraan at sumabay pa ang malakas na ulan at hangin sa laot. Nadaanan din nila ang kasabay nilang bangka sa dagat na tumaob pa sa sobrang lakas ng alon.

“Tiniis daw nila ang gutom kasi ang dala lang nilang pagkain ay para sa isang araw lang. Nag mano-mano sila magsagwan hanggang nakarating sila sa aplaya ng Panitian,” paliwanag ni Armia.

“Isinakay nila ang dalawang manginigisda na tumaob ang bangka. Hindi ko alam ang pangalan ng dalawa pero taga Iraan din sila. Ni-rescue nila yon at isinakay na nila sa bangka nila hanggang nakarating na silang apat sa aplaya ng Panitian,” dagdag niya.

Previous articleDENR seeks President Duterte’s certification of EPEB bill
Next articleAFP says NPA in Palawan resorting to harassment tactics
is the news correspondent for Sofronio EspaƱola and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.