Apat na mangingisda ang naaresto, habang nakatakas ang dalawa pa, sa isinagawang operasyon ng marines at navy sa Barangay Tinitian, Roxas, bandang alas 9 kagabi, July 27.
Naaresto ng pinagsamang operatiba ng PNP Roxas, Marine Battalion Landing Team 3 (MBLT-3), at Naval Forces West (NFW) ang kapitan ng bangka na si Isagani Coumbot Graiz, 37, at mga pahenante nitong sina Edwardo Alibanto Tagpuno, 38; Joshua Maloloyon Rosanto, 28; at Arnel Lescoton Flores, 22.
Pagdating sa pampang, nakatakas naman sina Franklin Dejito Rosanto, 20; at Dindo Maloloyon Rosanto, 20.
Napag-alamang nagmula pa ang mga mangingisda sa Barangay Mangingisda sa lungsod ng Puerto Princesa. Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa kanila ang isang unit ng compressor at ilang gamit pangisda.
Ang nasabing operasyon ay resulta ng isang ulat tungkol sa ilegal na gawain ng nasabing bangkang pangisda. Kakaharap sila sa kasong paglabag sa Municipal Ordinance No. 763, Series of 2020, o Prohibiting Fishing with the Use of Compressor.
Habang isinusulat ang balita na ito ay kasalukuyan pa rin na tinutugis ng mga awtoridad ang dalawa pang nakatakas.