Hindi na requirement para sa mga biyaherong pupunta at uuwi sa bayan ng Roxas ang negative na rapid antigen test result. Ito ang napagkasunduan ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 at ng Local Health Board sa isang joint meeting, kasama ang mga punong barangay, na isinagawa noong Hunyo 30.
“The MIATF already decided during our meeting last June 30, 2021 to comply with the PIATF resolution” pahayag ni Ann Marie Salvie Ylagan, Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) ng Roxas.
Inihayag naman ni municipal health officer Dr. Leo Salvino na napagkasunduan din sa nasabing pagpupulong na sa halip na negative na rapid antigen result, ang kailangang ipakita ng mga biyahero sa mga checkpoint ay barangay health certificate.
“May barangay health certificate requirement sa lahat ng inbound travelers at residenteng aalis at lalampas ng isang araw sa ibang bayan, and recommended pa rin ang seven days self-isolation or home-quarantine,” pahayag ni Salvino.
Idinagdag niya na ang mga residente ng Roxas na makakauwi sa parehong petsa ng pag-alis o balikan lamang ang biyahe ay hindi na kailangang magpakita ng barangay health certificate.
Ang barangay health certificate ang magiging patunay na ang indibidwal ay hindi close contact, suspect o probable sa COVID-19. Ito ay maaaring pirmahan ng BHERT/BHW sa barangay na panggagalingan at may isang linggong validity.
Sa bayan naman ng San Vicente, ipinayahag ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) na ito ay requirement pa rin base sa huling pagpupulong noong araw ng Lunes, Hunyo 28.
Naniniwala ang MIATF na ang hakbang na ito ay mahalaga upang malimitahan sa “essential travel” lamang ang dahilan ng paglabas at pagpasok ng mga residente habang ang munisipyo ay nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ayon sa MIATF, simula nang ipatupad ang Resolution No. 06-02 noong Hunyo 16 na nagtatakda ng antigen test requirement, malaki ang naitulong nito upang maayos na mapamahalaan ang sitwasyon ng COVID-19 sa mga barangay.
Sa panayam ng Palawan news kay Municipal Local Government Operations Officer Rustico Dangue araw ng Huwebes, Hulyo 1, sinabi niyang tuloy-tuloy pa rin ang pag-implementa ng no antigen test no entry sa lahat ng papasok sa San Vicente.
“Sa meeting kanina, inayos na ng MIATF ang mga qualifications for a resident to avail of free antigen test following the ordinance authorizing the collection of fees for antigen testing in San Vicente. Malalaman natin ang details nito paglabas ng kaukulang executive order implementing the ordinance,” paliwanag ni Dangue.
Samantala, isang resolusyon din ang ipinasa ng MIATF na humihiling sa Sangguniang Bayan na ibaba sa P600 ang presyo ng antigen test para sa mga residente mula sa kasalukuyang presyo nito na P800. Mananatili sa P1,500 ang presyo nito para sa mga non-residents batay sa Municipal Ordinance No. 1, Series of 2021.
Pinag-aaralan din ngayon ng MIATF na isagawa na lamang sa mga Barangay Health Stations ang antigen testing ng mga biyaherong pauwi ng San Vicente upang sila ay makatipid.
Sa kasalukuyan ay libre ang antigen testing para sa mga mahihirap na residente, van at e-trike drivers at mga essential workers.
