RIZAL, Palawan — Nasa review na ngayon ng committee on health ni municipal councilor Arvin Fuentes ang ipinanukalang ordinansa ni councilor Gracia Zapanta na naglalayong labanan ang diskriminasyon sa mga frontliners sa bayan na ito.
“Nagpasa tayo ng ordinansa para protektahan ang mga frontliners natin dito sa Rizal against discrimination pati sa mga maituturing nating mga unlawful na gawain,” ayon kay Zapanta.
Nasasaad sa Section 4 ng “Anti COVID-19 Discrimination Ordinance 2020” ang mga prohibited acts na maituturing na “unlawful”.
Ang ilan sa mga ito ay: pananagutin ang mga indibidwal na magco-commit ng utterance na magsasanhi ng stigma, disgrace, shame, humiliation, harassment at ang pag-discriminate sa mga taong suspect, probable, o confirmed COVID cases.
Pananagutin rin ang mga public officers na magtatangging magbigay ng assistance sa mga probable, suspect, at confirmed cases, mga indibidwal na magpo-post ng maling impormasyon sa social media tungkol sa mga frontliners at COVID cases, at ang pag-aanunsyo sa social media na ang isang tao ay probable, suspect, o confirmed na may COVID-19.
“Any person who will violate these prohibited acts ay papanagutin once enacted by our council at ang violation ay ire-refer na lang sa EO na ilalabas din ni Mayor Otol Odi,” ayon kay Norman Ong, ang bise alkalde ng Rizal.
Samantala, sa susunod na regular na sesyon sa Lunes ilalabas ang committee report ni Fuentes na siyang chairman sa committee on health para ito ay maaprubahan ng municipal council.
“Napapanahon ito sa mga frontliners natin, sa mga LSIs natin o ROFs dito sa bayan ng Rizal to avoid discrimination lalong lalo na sa mga frontliners natin at mga LSIs/ROFs,” ayon kay Zapanta.
Nananatili pa ring COVID-19 free ang bayan ng Rizal hanggang ngayon.
Ayon sa ulat ni OIC MHO nurse Rutchel Laborera, mayroon nang total na 62 LSIs, ROFs/ROWs ang mga dumating sa kanilang bayan. Sa bilang, 41 dito ay natapos na ang 14-day quarantine, 21 naman ay kasalukuyan pang nasa quarantine facility, 39 naman ang APOR at 12 rito ay natapos na ang 14-day quarantine. Ang 27 ay tuloy-tuloy pa rin sa quarantine facility.
“Sa awa ng Diyos puro naman po negative sa RDT at swab test ang result ng ating mga LSIs, ROF/ROW at APOR, pero patuloy pa rin tayo na mag-iingat kasi hindi natin alam kung kailan papasok ‘yan. Hindi natin nakikita ang virus, magugulat na lang tayo na mayroon na palang positibo, kaya dapat lagi tayong sumunod sa protocol na ipinatutupad ng ating Municipal health Office,” ayon kay Laborera.