Ilan sa mga nagsasagawa ng illegal na tupada ang nahuli ng mga pulis sa Purok Mabuhay, Barangay San Miguel sa bayan ng Roxas noong Biyernes Santo, April 2.

Anim na tao ang inaresto ng mga awtoridad sa isang iligal na pasabong sa Purok Mabuhay, Barangay San Miguel sa bayan ng Roxas noong Biyernes Santo, April 2.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Roy, 24; Randy, 48; Henry, 37; Loreto, 68; at alyas Efren, 63, mga residente ng nabanggit na lugar, habang ang isa pang lolo na si alyas Manuel, 66, ay residente naman ng Purok Matahimik, Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City.

Sa pahayag ni P/Maj. Erwin Carandang, sinabi nito na matagal nang reklamo ang nasabing tupada sa lugar, ngunit hindi matyempuhan dahil palipat-lipat ito ng lokasyon.

“Tawag lang sa amin ng isang concerned citizen na may ongoing na tupada sa may San Miguel kasi matagal na ring nirereklamo ni kapitan yan dahil maraming report sa kanya at hindi lang namin matyempuhan dahil palipat-lipat sila ng pinagsasabungan nila. Ang ginawa namin nagpanggap ang mga pulis na magsasabong at nagdala ng manok para hindi halata at para mahuli sila,” pahayag ni Carandang.

Maliban sa anim na naaresto, marami pa ang napag-alamang nakatakas patungo sa deriksyon ng bundok, kaya hindi na nagawang masundan lahat ng mga pulis.

“Marami sila kasi sa looban ang sabong. Tapos, nang maghuhulihan na, nagsitakbuhan paakyat ng bundok. Nakakuha kami ng mahigit isang sakong tsinelas ng mga nagsitakbuhan,” dagdag niya

Pahayag ng mga nahuli, ayon na rin kay Carandang ay nakasanayan na ng mga tao sa lugar ang tupada sa panahon ng Semana Santa, ngunit ayon sa kanila ay hindi ito rason para hayaan ang mga residente dahil na rin sa pagkakaroon ng bagong kaso ng COVID-19 sa Roxas.

Nakuha mula sa mga suspek ang 10 piraso ng tari, walong panabong na manok, 12 piraso ng patay na mga manok panabong, P2,300 na halaga ng pera, at mahigit 20 motorsiklo.

About Post Author

Previous articleLPA expected to bring rain showers over Palawan, Mindanao area
Next articleResidente ng Sta. Monica, huli sa shabu buy-bust