Dalawa ang patay at dalawa rin ang kritikal ang kalagayan sa aksidente na naganap sa pagitan ng isang shuttle van at top-down tricycle noong Sabado ng hapon sa South National Highway, Barangay Inagawan Sub-colony sa Puerto Princesa City.

Kinilala sa spot report ng Police Station (PS) 2 ang mga namatay bilang sina Eddie Remo Bantog, 42, at driver ng top-down na dead on the spot ng mangyari ang aksidente, at ang kanyang asawa na si Nora Jardino, 36, na naisugod pa sa Aborlan Medicare ngunit binawian din ng buhay bandang alas syete ng gabi ng nasabing araw.

Ang dalawang kritikal ang kondisyon ay ang kanilang dalawang mga anak na kinilala lamang bilang sina Andre Jardino, 14, at Andrea Bantog, 12.

Ang apat na biktima sa nangyaring aksidente sa Km. 53 sa Inagawan Sub-colony bandang alas dos ng hapon ay mga residente ng BM Road, Barangay San Pedro, ayon sa spot report ng PS 2.

Ang driver ng shuttle van na nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in a double homicide, multiple serious physical injuries, at damage to property ay pinangalanan na si Mark Anthony Madarcos Abante, 25.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PS 2, ang top-down ng mga biktima ay patungo ng Brgy. San Juan sa munisipyo ng Aborlan mula sa kanilang bahay sa BM Road. Ang shuttle van naman ay nanggaling ng Narra at papunta ng lungsod.

Pagdating sa may Km. 53 sa Inagawan Sub-colony sa isang pataas na bahagi, in-overtake umano ng shuttle van na minamaneho ni Abante ang isang van at napunta sa lane ng top-down at doon ay naganap na ang head on collision.

Sa mga larawan at video footage na ibinahagi sa Palawan News ng ilang mga witness, makikita si Bantog na naiwan sa top-down at wala ng buhay, may isang biktima na nasa ilalim ng shuttle van sa harapang bahagi, at ang iba ay nasa gilid ng highway at hirap dahil sa kanilang mga tinamong injury.

Sabi ni Jacque Trinidad Portillas na may-ari rin ng ilang larawan, lubhang mabilis ang pagpapatakbo ng driver ng shuttle van at marami itong sasakyan na in-overtake-an.

“Ang bilis ng pangyayari, bale ang van po sobrang bilis ng patakbo niya sa direksyon to Puerto. Ang dami niya pong in-overtake-an. Naka-overtake pa ang shuttle [van] na yan sa amin. Mabagal lang ang takbo namin, tapos marami pa sa harapan namin na van na nalampasan din niya,” sabi ni Portillas

“Tapos mamaya ng konti, nadaanan na namin yong aksidente. Ang top-down po papunta ng Aborlan. Makikita mo yong isang babae sa [may bandang] ilalim na ng van sa harapan, naipit siya. Yong lalaki na nakapula doon sa gilid malapit lang din sa top-down. Yong driver nakasampay na sa manibela,” dagdag niya.

About Post Author

Previous articleEDITORIAL: The sad plight of Palawan’s palay farmers
Next articleThose Loony Toons and Mutations
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.