Oct 1, 2020

Aksidente sa Narra, 2 patay

Binabagtas ng mag-iina ang highway nang biglang nag-overtake ang nakasunod sa kanilang van na minamaneho ni Caputilla.

Namatay ang isang ina at kanyang anak habang sugatan naman ang isa pang dalagitang anak matapos sumalpok sa isang pampasaherong van ang kanilang sinasakyang motor, Lunes ng umaga sa Barangay Burirao, Narra.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Daisy Cayabo Cipriano, 45; Diego Cayabo Cipriano, 4; Maria Belen Cipriano Cayabo, 15; at ang drayber ng van na si Argele Caputilla, 45.

Ayon kay P/Maj. Romerico Remo, hepe ng Narra Municipal Police Station (MPS), binabagtas ng sasakyan ng mag-iina ang highway ng biglang nag-overtake ang nakasunod sa kanilang van na minamaneho ni Caputilla.

Matapos mag-overtake, biglang huminto ang van na naging dahilan ng pagsalpok ng motor na sinasakyan nila Cipriano.

Nadala pa sa ospital ang mag-iina, ngunit binawian rin agad ng buhay si Daisy at ang apat na taong gulang na si Diego.

Samantala, hawak na ng mga awtoridad ang drayber ng van at may kakaharaping kasong reckless imprudence resulting to double homicide at physical injury.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry