Agutaya pansamantalang hindi tatanggap ng mga biyahero

Muling nagpalabas ng kautusan at pabatid si Mayor Perla Bacuel ng Agutaya na nagbabawal sa pagpasok at paglabas ng mga manlalakbay sa nasabing bayan ngayong Huwebes, Abril 22.

Ang nasabing kautusan ay dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa at iba pang bayan ng lalawigan ng Palawan.

Ang kautusan ay base rin sa desisyon ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) ng Agutaya na pansamantalang huwag munang payagan ang mga biyahero papasok at palabas simula sa araw ng Linggo, Abril 25 hanggang Mayo 10.

Hindi kabilang sa pagbabawal ang mga emergency cases at mga authorized persons outside residence (APOR) ngunit kailangang magpakita ng travel order at sumunod sa mga pinaiiral na health and safety protocols ng nasabing bayan.

Para sa mga biyahero na manggagaling sa Cuyo at Magsaysay, kinakailangan nilang sumailalim sa 14 days quarantine kung saan ang pitong araw sa isang quarantine facility, at kapag nag-negatibo sa antigen test  sa ika-pitong araw  ay maaring tapusin ang nalalabing pitong araw sa kanilang mga bahay.

Sa mga manggagaling sa ibang bayan ng Palawan  na hindi APOR, kailangan sumailalim sa 14 days quarantine at ang APOR naman ay kailangang sumailalim sa pitong araw na quarantine sa facility ng bayan  at kapag nag-negatibo sa antigen test sa ika pitong araw ay kailangan ang pitong araw na home quarantine.

Para sa mga manggagaling sa labas ng lalawigan, kinakailangan mag-present ng negative RT-PCR test na hindi lalampas ng tatlong araw bago pa bumiyahe. Sa manggagaling naman sa Mindoro ay tatanggapin ang negative antigen test na hindi lalampas sa isang araw bago bumiyahe, ngunit kailangan pa din nila sumailalim sa 14 days facility quarantine para sa lahat ng mga manlalakbay.

Lahat naman ng uuwi sa Agutaya ay kailangang kumuha ng notice of coordination at para  sa mga APOR, ipresenta lamang ang official travel order kasabay ng pagkuha ng notice of coordination.

Muling nagpaalala ang MIATF ng Agutaya na palagiang sumunod sa public health standards. Ang sinumang lumabag dito ay may mga nakasaad na kaukulang multa.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry