Iniimbestigahan ng awtoridad ang diumano ay pagkakasangkot sa agawan sa lupa ng isang miyembro ng Criminal Intelligence and Detection Group (CIDG) at ng kapitan ng Barangay Aporawan sa Aborlan.

Ang mga binabanggit ay sina kapitan Danilo Cortez ng Aporawan at si P/SSgt. Jossan Ferro ng tanggapan ng CIDG sa Palawan.

Ayon kay P/Lt. Eric  Dalisay ng Aborlan Municipal Police Station (MPS), tumungo na ang mga diumano ay inaagawan ng lupa sa Palawan Police Provincial Office (PPO) na sina Angelo Falcasantos at Bonabel Sarol para humingi ng tulong.

“Nagsimula na kaming mag-conduct ng validation kaugnay po sa complainant na dumiretso sa Provincial PNP headquarters. Initial na info na nakuha namin sa ilang witnesses at involve, wala naman putukan na naganap. Tuloy-tuloy pa din kasi ang investigation namin,” pahayag ni Dalisay.

- Advertisement -

Taliwas ito sa mga naglabasang balita na may nangyaring gulo sa may Iliwan River sa Sityo Bubusawin sa Aporawan, noong Miyerkules, August 18.

Ayon naman sa paliwanag ni Cortez ng makapanayam ng Palawan News ngayong Biyernes, August 20, sinabi niya na wala siya sa lugar nang mangyari ang sinasabing gulo. Nilinaw din niya na wala silang inaagaw na lupa, at walang naganap na pang-aagaw ng lupa.

Inamin niya na nasa lugar ang kanyang sasakyan, ngunit nandoon ito para mag-deliver ng concrete post na parte ng kanilang negosyo.

“Wala ako sa lugar, nandoon ang sasakyan ko para mag-deliver lang ng order na 90 piraso ng concrete post na binili ni Hadja Hamid,” pahayag ni Cortez sa Palawan News.

Dagdag pa ni Cortez, si Falcasantos at Sarol ang mga may record sa barangay na iligal na pumasok sa lupa na may nagmamay-ari na.

Binanggit niya rin na may ibang tao rin na pumapasok sa lupa, kabilang na diumano ang mga Commando na taga WESCOM area, at mga tanod ng Brgy. San Miguel sa Puerto Princesa.

“Sila ang pumasok sa isang area ni Hadja na nagpapa-blotter naman sa barangay — na nagre-recruit sila at pinapapasukan nila ng mga tao, pinapabayad nila ng membership fee at contribution,” dagdag ni Cortez.

Nakipag-ugnayan din ang Palawan News kay Ferro na umamin na nandoon siya sa lugar, ngunit ito ay bilang parte ng kanyang trabaho sa CIDG.

Ayon kay Ferro, dahil patungo siya sa lugar, nakiusap daw si Hadja na kaibigan nito na isabay na lamang ang mga gamit para sa kanyang pagpapabakod sa lupa nito sa Aporawan.

Dagdag pa nito na walang nakakakilala sa kanya sa lugar, katulad na mga naunang interview ng sinasabing witness na nauna nang nakapanayam sa ilang istasyon ng radyo.

“Hindi ko maaring sabihin ang trabaho ko diyan, malalim ang mga trabaho namin, lahat nang lakad ko ay naka-blotter sa opisina. Hindi ito ang lugar na sadya ko, nagkataoon lang na nakisuyo ang kaibigan natin at in good faith naman, walang masama kung pagbibigyan natin,” ito ang naging pahayag ni Ferro.

“Hindi ko kilala ang mga nagsasalita sa interview, kaya nakakagulat bakit kilala niya ako, parang tinuruan,” dagdag nito.

Sa kabuuan, itinatanggi ni Cortez at Ferro na ang mga bintang sa kanila. Iginiit nila na walang putukan at wala daw silang inaagaw na lupa.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa kaso hanggang sa isinusulat ang balitang ito.

Previous articleAborlan muling naghigpit sa pagpapatupad ng health protocols
Next articleWhat’s the point in pointless complaints?
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.