Jul 14, 2020

95 hatchling ng pawikan, pinakawalan sa dagat ng Ferrol

Ang mga baby olive ridley sea turtle ay maingat na inalagaan ng mga tauhan ng Bantay Dagat Ferrol sa Pawikan Hatchery simula nang sila ay makita noong Nobyembre 2019.

By Paul Jaysent Fos/PIA-Romblon)

FERROL, Romblon — Pinakawalan na sa dagat sa Barangay Bunsuran sa bayang ito ang aabot sa 95 na bagong pisang olive ridley sea turtles nitong ika-12 ng Enero.

Ayon kay Engr. Raymund Inocencio ng DENR-Romblon, ang mga baby olive ridley sea turtle ay maingat na inalagaan ng mga tauhan ng Bantay Dagat Ferrol sa Pawikan Hatchery simula nang sila ay makita noong Nobyembre 2019.

“Ang olive ridley sea turtle ay ‘common’ na nakikita dito sa Tablas, at magandang bagay na maraming pawikan ang nangingitlog sa atin. Siguro dahil, sigurado yung mga pawikan na ligtas ang mga itlog nila sa ating baybayin,” ayon kay Engr. Inocencio.

Ang nasabing pagpapakawala ay pinamunuan ni Engr. Inocencio, Mr. Ace Diocadez ng DOST-Provincial Office Romblon, at dinaluhan naman ng iba’t ibang bisita mula sa bayan ng Ferrol, Looc at Odiongan.

Base sa datus ng Bantay Dagat Ferrol, may aabot pa sa mahigit 150 na itlog ang inaalagaan nila sa kasalukuyan sa kanilang Pawikan Hatchery.

Para sa otoridad, malaking bagay ang pagpapakawala sa mga baby pawikan para dumami pa sila sa karagatan dahil itinuturing na sila ng mga otoridad na endagered species. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry