Aabot sa 865 na solar home system units ang ipinamahagi ng pamahalaang panlalawigan sa tatlong munisipyo sa Palawan bilang proyekto na bahagi ng paghahanda para sa panahon ng sakuna.
Ang pamamahagi ay pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), katuwang ang tanggapan ng Provincial Engineering Office (PEO), mula November 21 hanggang November 24.
Naisakatuparan ang proyekto mula sa pondong inilaan ng PDRRMO na serbisyong ipinagpapatuloy ng kasalukyang administrasyon Governor Victorino Dennis Socrates mula sa panunungkulan ni dating governor at ngayon ay kongresista na si Rep. Jose Alvarez ng 2nd District ng Palawan.
Ayon sa PDRRMO, bahagi ito ng paghahanda na lubhang makatutulong sa oras ng sakuna at upang makaiwas sa pagdudulot ng sunog sa mga liblib na lugar sa mga residente.
Kaagapay ang tanggapan ng PEO ay aktwal na naipamahagi ang solar home system sa mga prayoridad na beneficiaries, partikular na sa mga indigenous peoples na nakatira sa mga lugar na hindi abot ng linya ng elektrisidad.