Dec 5, 2020

8 bangka para sa pagpapatrolya, ibinigay sa Green Island Bay sa Roxas

Ang Green Island Bay ay sinasakop ng mga barangay ng Johnson Island, Caramay, Malcampo, San Miguel, Tumarbong, Tinitian, at Rizal sa Roxas na kinikilala ng PRDP bilang Global Environment Facility (GEF) site.

Image from PIA MIMAROPA

Walong bangka na magagamit sa pagpapatrolya ng karagatan ang ipinagkaloob ng  Philippine Rural Development Project (PRDP) kamakailan sa Green Island Bay sa bayan ng Roxas sa hilagang bahagi ng Palawan.

Ang Green Island Bay ay sinasakop ng mga barangay ng Johnson Island, Caramay, Malcampo, San Miguel, Tumarbong, Tinitian, at Rizal sa Roxas na kinikilala ng PRDP bilang Global Environment Facility (GEF) site.

Ayon sa Regional Fisheries Office (RFO) ng Department of Agriculture (DA), nagkaloob ang PRDP-GEF ng pitong patrol boat at isang mother boat na nagkakahalaga ng P1.65 milyon sa mga nabanggit na barangay ng Green Island Bay.

Ang mga ito ay gagamitin para sa maigting na pagbabantay sa nasasakupan ng baybayin partikular sa mga pinangangalagaang lugar nito.

Bukod sa mga bangka, ipinagkaloob din sa mga benepisyaryo ang iba pang kagamitan tulad ng fiberglass buoys, solar panels, solar lights, scuba gears, global positioning system equipment, at mga signage.

Naglaan ang PRDP-GEF ng halagang P26 milyon para sa proyektong Community-Based Coastal Protection and Biodiversity Conservation na naglalayong palakasin ang pagpapanatili at pangangalaga sa yamang dagat ng mga tukoy na marine protected areas (MPA).

Sa ilalim ng proyekto, magtatayo rin ang PRDP-GEF ng floating guardhouse na inaasahang masisimulan ang konstruksyon ngayong taon.

Bilang bahagi nito, nakapagsagawa na rin ng iba’t ibang pagsasanay ang PRDP-GEF para sa proyekto, kabilang na dito ang biophysical assessment ng MPA.

Aalalay din ang proyekto upang makalikha ng MPA management board, Bantay Dagat, at iba pang plano para sa pamamahala at ordinansa na maaaring ipatupad para sa proteksyon nito.

Hindi lamang proteksyon ng kalikasan ang hangad na maipatupad sa bawat nasasakupang barangay, kundi matiyak ang permanente at produktibong kabuhayan ng mga mangingisdang benepisyaryo na siyang nangangalaga sa pinoprotektahang baybayin.

Kaugnay nito, isa sa mga hinahangad ng PRDP ay magkaroon ng 30 porsiyentong pag-angat ang kita ng mga benepisyaryo.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang microenterprises na ipinatutupad sa pitong barangay na kinabibilangan ng produksyon at pagbebenta ng alimango sa Barangay Rizal, grouper sa Caramay, San Miguel, Malcampo, at Tinitian, at seaweeds naman sa Tumarbong. (PIA MIMAROPA)

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry