Isang lola ang namatay matapos ma-trap sa nasusunog na bahay sa Sitio Mariwara, Barangay Princess Urduja, Narra, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Conchita Basan Quiamco, 74, residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Senior Fire Officer 1 Annabel Medillen, Chief Fire Arson Investigator ng Bureau of Fire Protection Narra, maaring ang dahilan ng pagkasunog ng tahanan ni Quiamco ay ang kanyang ginagamit na lampara dahil wala naman umanong supply ng kuryente ang bahay.
“Wala naman pong electric supply ‘yong bahay, ‘yong ginagamit po ni nanay doon ay may muron siya o ‘yong lampara bilang ilaw niya sa gabi. Yan po ‘yong initial investigation namin pero nag-coconduct pa rin kami ng follow-up investigation,”ani Medillen.
Sabi niya naitawag sa kanila ang pangyayari 7:24 ng gabi ngunit hindi na nila narespondehan dahil sa layo ng lugar kaya’t sila ay nagpadala ng grupo na mag-imbestiga kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
“Ang alarma po sa amin ng isang concerned citizen 7:24 ng gabi, na meron daw pong fire incident sa lugar na yong fire incident po hindi na rin po na-respondehan ng mga personnel natin dahil malayo nga ‘yong area, ang ginawa na lang namin dito nagpadala po kami ng investigating team kasama ng Philippine National Police para mag-imbestiga kung ano po ang nangyari, and then na-found out namin na mat sunog na katawan sa bahay na nasunog,”
Dagdag ni Medillen, ayon sa mga kapitbahay ni Quiamco, medyo mahina na ito at nag-iisa na lamang sa maliit nitong bahay, dinadalhan na lamang ng pagkain ng mga residente doon at binibisita ng mga kamag-anak.
Aniya pa, hotspot ang lugar kung kaya’t kinailangan ng tulong ng mga pulis, kawani ng Philippine Marines, at CAFGU para mapuntahan ang lokasyon ng nasunog na bahay.