Nilinaw ni TESDA Provincial Director Antoinette Cardasto na batay sa Universal Access to Quality Education Act, prayoridad na tanggapin bilang iskolars ng ahensya ang mga katutubo at nakatala sa Listahanan ng DSWD. (Voltaire N. Dequina/ OccMin)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Enero 31 — Nais ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na agad pasimulan ang pito nitong scholarship programs sa lalawigan ngayong unang bahagi ng taon.

Ayon kay Antoinette G. Cardasto, provincial director ng TESDA, ang mga programang ito ay ang Organic Agriculture Production (OAP) at tig-dalawang batch ng Electronic Products Assembly (EPA) NC II, Computer System Servicing (CSS) NC II at Driving NCII.

“Mga naiwan itong kurso sa pondo pa ng 2019 kaya gusto nating mapasimulan agad,” ani Cardasto.

Sinabi ng opisyal na sa mga kursong nabanggit, mauuna ang OAP na sinimulan na noong ika-28 ng Enero sa bayan ng Mamburao. “Kumpleto na kasi ang mga partisipante ng OAP kaya maaaring umpisahan. Kumukuha lang naman tayo ng 25 scholars para sa bawat kurso,” saad ng Provincial Director.

Maaari aniyang magpatala sa kanilang tanggapan ang mga interesadong dumalo sa mga naiwang nabanggit na programa.

“Iyong mga gustong maging scholar, dapat nakatapos ng high school subalit wala pang college degree,” paalala ni Cardasto.

Bagama’t bukas sa lahat ng kwalipikadong kabataan ang mga scholarship ng Tesda, sinabi ng direktor na binibigyang prayoridad ng ahensya ang mga katutubo (IPs) at mga nakatala sa Listahanan ng DSWD, sa pagtanggap nila para sa kanilang mga programa na aniya ay batay sa Universal Access to Quality Education Act. (VND/PIAMIMAROPA/OCCMIN)

About Post Author

Previous articleBrazilian patient cleared of novel coronavirus
Next articlePauleen Luna and Vic Sotto celebrate wedding anniv in Amanpulo