7 kalalakihan, nahulihan ng armas, arestado


Pasado alas-dos ng hapon ngayong araw, Mayo 23, nang dakpin ng Mendoza Police ang pitong kalalakihan sa isang pribadong pagamutan sa lungsod dahil umano sa mga dala nilang armas.

Inaresto ng mga awtoridad ang grupo na kinabibilangan ng tatlong menor-de-edad at apat pang hindi kinikilalang lalaki matapos umanong mahulihan ng apat na baril (isang 9mm, tatlong kalibre 45) at isang granada. Napag-alaman din na nasa parehong lugar si Teng Adelion, isa sa itinuturing suspek sa pagpatay sa negosyanteng si Alex Onghocgan. Dalawa umano sa mga nadakip ay anak at pamangkin ni Adelion, ngunit hindi pa malinaw ang pagkakaugnay ng huli sa nasabing insidente.

Itinanggi naman ng mga kalalakihan na pag-aari nila lahat na binabanggit na armas ng pulisya. Aminado umano sila na mayroon nga silang dalang armas bilang proteksyon ngunit ito’y dalawang baril lamang, taliwas sa binabanggit ng mga umarestong pulis.

“Dalawa lang po talaga ang dala namin. ‘Yung isa sa motor, ‘yung isa dito sa akin. Bigla lang po kami hinuli pero ‘yung iba po ‘di po namin alam saan nanggaling, hindi po namin alam,” paliwanag ng isa sa grupo na itinago sa alyas na Jo, 13 taong gulang.

Sa kabila ng nasabing pagtanggi ng mga suspek, inuulat pa rin ng PNP na apat na baril ang nakuha sa nasabing grupo, kabilang pa ang isang granada at mga bala, ayon na rin kay Police Senior Inspector Mark Allen Palacio.

Sa ngayon, kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang grupo para sa patuloy na imbestigasyon.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.