Brooke’s Point, Palawan — Negatibo sa COVID-19 rapid diagnostic test (RDT) ang pitong estudyanteng nagmula sa Iloilo base sa testing na isinagawa noong Martes (June 2).
Ayon kay Dr. Lovelyn Sotoza, municipal health officer (MHO) ng nasabing bayan, mula ng dumating ang mga estudyante noong Mayo 26 ay agad silang isinailalim sa mandatory 14-day quarantine upang matiyak na ligtas mula sa virus ang mga ito.
“Inihanda namin kaagad ang quarantine facility para sa kanila noong matanggap ko ang tawag na paparating nga itong mga bata. May dalawang nurse na itinalaga para mag monitor sa kanila, at hindi sila pwedeng lapitan ng kahit na kaanak o magulang nila, unless masiguradong virus-free ang mga bata,” ayon kay Sotoza.
Tiniyak ng pamunuuan ng inter-agency task force (IATF) COVID-19 Brooke’s Point na walang ibang makakasalamuha ang mga estudyante kung kaya’t mula sa barkong sinakyan ng mga ito ay agad silang pinapasok sa kani-kanilang sasakyan na kung saan ay tuloy-tuloy rin ang biyahe patungo sa bayan ng Brooke’s Point.
Ang pitong estudyante ay nakauwi sa pamamagitan ng Sagip Palaweño program ng pamahalaang panlalawigan lulan ng barkong Montenegro Shipping Lines noong Mayo 26.
“Sinundo sila ng tourism (officers) kasama ng ilang Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) mula sa barko ay pinasakay agad sila sa van na diretso ang biyahe dito sa Brooke’s Point,” dagdag pa ni Sotoza.
Nagpasalamat naman ang mga magulang ng mga estudyanteng nakauwi.
“Nadugtungan ulit ang buhay ko, lalo na ng makita ko siya. Life is more than anything else lalo na sa panahong ito. Madaming pangarap para sa mga anak pero higit sa lahat ang importante ay makasama at makitang malusog at masaya ang anak ko,” ayo kay Mary Jane Cuarte, ina ng isa sa pitong estudyante.