Sep 25, 2020

66 anyos na wanted sa kasong statutory rape, inaresto sa Taytay

Ang inaresto ay si Alias Nestor (hindi tunay na pangalan) matapos ipagharap ng reklamong panggagahasa noong October 2019.

Isang 66 anyos na lolo na “wanted” sa batas ang inaresto sa bayan ng Taytay ng mga awtoridad dahil sa kasong panggagahasa sa isang menor de edad.

Ang inaresto ay si Alias Nestor (hindi tunay na pangalan) matapos ipagharap ng reklamong panggagahasa noong October 2019.

Naaresto siya noong July 13 sa Sitio Denit, Brgy. Casian, Taytay, kung saan din ito nakatira.

Sa panayam ng Palawan News kay acting chief of police P/Captain Roel Tattao, ang suspek ay may warrant of arrest na pinalabas at pirmado ni Judge Emmanuel Artazo ng Family Court ng bayan ng Taytay, Branch 14-FC.

Walang nirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek kaugnay sa kaso nitong hinaharap.

Ayon kay Tattao, sinabi sa kanya ng suspek na wala itong partisipasyon kaugnay sa kasong isinampa sa kanya. Nagalit lang daw ng sobra ang biktima at ginawan ito ng kuwento at wala naman din daw itong ginawang masama sa biktima.

Kasalukuyang nasa provincial jail na ang suspek at kakaharapin ang kasong ‘statutory rape’ na isinampa laban sa kanya.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry