650 indibidwal sa San Vicente nakatanggap na ng pangalawang bakuna laban sa COVID-19

May kabuuang 1,000 doses ng AstraZeneca at 300 doses ng Sinovac ang nagamit sa isinasagawang vaccination rollout sa munisipyo ng San Vicente

SAN VICENTE, Palawan — May kabuuang 650 indibidwal mula sa bayan ng San Vicente ang tumanggap na ng ikalawang dose ng bakuna kontra COVID-19, ayon sa Municipal Health Office (MHO).

Ang bilang ay katumbas ng kabuuang 1,300 vaccine doses na inilaan sa mga prayoridad na populasyon sa munisipyo simula noong buwan ng Marso.

“We have a total of 1,300 doses given. Two doses na po ito. Bale 650 katao ang nabigyan na po ng ating covid vaccine,” pag-uulat ni Municipal Health Officer Dr. Mercy Grace S. Pablico sa pagpupulong ng Municipal Inter-Agency Task Force for COVID-19 (MIATF).

Dagdag ni Pablico, may kabuuang 1,000 doses ng AstraZeneca at 300 doses ng Sinovac ang nagamit sa isinasagawang vaccination rollout sa munisipyo.

Kabilang sa mga nabakunahan ay ang mga nasa A1 hanggang A3 priority group.

Ayon kay Pablico, magkakaroon na ng proteksyon ang katawan ng mga indibidwal na tumanggap ng ikalawang dose ng bakuna makalipas ang dalawang linggo. Subalit kailangan pa rin ng mga itong sumunod sa minimum health standards.

“Two weeks after ng second dose nila ay makaka-develop na sila ng immunity,” ani Pablico.

“[Ito ay] added layer of protection. Pero huwag pa rin kampante dahil hindi naman sinasabing hindi ka na tatablan. P’wede ka pa rin magkaroon [ng COVID-19] but then ‘yung risk na magkaroon ka ng severe case ay lesser siya compared sa wala talagang protection,” paliwanag niya.

Magpapatuloy ang pagbabakuna para sa unang dose ng mga nasa prayoridad kapag nagkaroon nang muli ng suplay na magmumula sa Provincial Health Office.

Patuloy pa ring pinaaalalahanan ang lahat na gawin ang mga pag-iingat upang maiwasan na mahawa ng naturang sakit tulad ng pagsusuot ng face mask, pagpapanatili ng distansya sa bawat isa at ang palagiang paghuhugas ng kamay.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry