SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Humigit kumulang 500 indibidwal ang nakatanggap ng National Certificate II (NC-II) para sa Defensive Driving Lesson na ipinagkaloob ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) noong araw ng Biyernes, Abril 9.
Ang pagsasanay sa pagmamaneho na isinagawa noong Marso 26-28 sa municipal playground sa Barangay Pulot Center ay libreng ipinagkaloob ng Local Government Unit sa mga Out of School Youth (OSY) ng bayang ito na nais magkaroon ng NC-II driving skills.
Sa panayam ng Palawan News kay Daniel Magbanua, Municipal Tourism Consultant, nitong Lunes, Abril 12, sinabi niyang nais ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng mga pagsasanay ang mga residente sa bayan na ito ng libre sa halip na magtungo pa ang mga ito sa lungsod ng Puerto Princesa.
“This is free and handled by the LGU through TESDA, kaysa naman pupunta pa sila sa Puerto Princesa, gagastos pa sila kaya dinala na natin dito para hindi na sila mahirapan at naipagkaloob na sa kanila ang kanilang training certificate,” pahayag ni Magbanua.
“Magagamit nila ito for thier employment kung sakali pag maghahanap ng work or sa pagkuha driver’s licence,” dagdag niya.
