Ipinapaalala ni Lerma Pantoja (gitna), OIC Provincial Link, sa mga kawani ng Pantawid Program ng DSWD na ipaliwanag sa mga 4Ps beneficiaries ang dahilan ng pagkabalam ng kanilang cash grant at kung ang status nito. (Voltaire N. Dequina)

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Sisikapin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maibigay ang naantalang cash grant sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa lalawigan ngayong Setyembre ayon kay Lerma Pantoja, OIC Provincial Link.

Sinabi ni Pantoja na katatapos lamang ng bidding na isinagawa ng Land Bank of the Phillipines para sa local conduit na makakatuwang nito sa pagkakaloob ng cash grant sa mga benepisyaryo.

Ang local conduit na lumahok sa nabanggit na bidding ay mga kooperatiba at institusyong pinansyal na nakabase sa lalawigan.

Pagtutulungan naman aniya ng napiling local conduit at DSWD ang mga proseso upang tuluyan nang matanggap ng mga benepisyaryo ang ilang buwang nabalam na cash grant.

Paliwanag ng opisyal, simula December 2018, pansamantalang itinigil ang pay out sa mga benepisyaryo mula sa malalayong lugar.

Ito aniya ay upang ayusin ang sistema na magpapabilis sa distribusyon ng cash grant sa mga 4Ps. “Kapag meron ng local conduit, sila na mismo ang pupunta sa mga lugar ng ating recipients,” paglilinaw ni Pantoja.

Samantala, tiniyak naman ng Provincial Link na matatanggap ang kabuuan ng naipong na cash grant.

“Basta nasunod ang lahat ng kondisyon na iniatang sa isang 4Ps beneficiary, higit sa P13,000 ang makukuha ng bawat benepisyaryo, idadagdag pa dito ang Unconditional Cash Transfer (UCT) na P3,600 (batay sa TRAIN Law) at ang subsidiya sa bigas na nagkakahalaga ng P600”, ayon pa sa opisyal. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

About Post Author

Previous articleNFA awaits plans on downsizing agency personnel
Next articleMIMAROPA lumahok sa National Community Volunteers’ Congress