SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Ipinagpapatuloy ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa bayan na ito ang monitoring at intervention ngayong taong 2021 sa mga katutubong Pala’wan na naging benipesaryo ng proyektong banana propagation na sinusuportahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ilalim ng programang Modified Conditional Cash Transfer for Indigenous People (MCCTIP) ng 4Ps, humigit kumulang 200 indibidwal sa Sofronio Española ang binigyan ng 25 cultured banana plant na suhi ng lakatan at saba. Ang mga ito ay banana variety na ipinagkaloob ng DSWD na siyang nangangasiwa ng programa na 4Ps.
May 53 na katutubong indibidwal ang nabigyan ng banana seedlings sa Barangay Abo-Abo; 38 sa Brgy. Panitian, at 105 sa Brgy. Labog noong taong 2020 na ayon sa opisina ng 4Ps Sofronio Española, halos dumoble na ang produkto ng kanilang itinanim na saging at napapakinabangan na para sila ay kumita ngayong taong 2021.
Ayon kay Marieta Rafael, project development officer II ng 4PS Sofronio Española sa panayam ng Palawan News sa kanya noong araw ng Sabado, Abril 24, ang naturang proyekto ay patuloy nilang binibisita upang malaman at makagawa ng obserbasyon kung epektibo at maganda ang ani ng mga ito.
“Based on our evaluation po ay marami na ang nakakapag harvest ng kanilang saging, ang ilan naman po ay growing palang po pero napakinabangan na at medyo nagkaroon na ng kita sa pamamagitan nitong proyekto para sa kanila,” ayon kay Rafael.
Dagdap pa nya, hangarin ng programang ito na turuan at bigyan ng mga pamumuhay ang mga pamilyang katutubo sa ilalim ng programang MCCTIP upang kahit papaano ay magkaroon ng mga alternatibong hanapbuhay sa pamamagitan ng pagtatanim ng prutas at mga gulay.
“Lagi po nating pinapasyalan itong mga tanim nilang saging at natutuwa po kami dahil produktibo naman,” dagdag niya.
Katuwang din ng 4Ps Sofronio Española para madagdagan pa ang kaalaman ng mga katutubo sa Banana Propagation ang opisina ng Municipal Agricultures Office(MAO) para patuloy na magbigay ng mga agricultural trainings sa pagtatanim at pagaalaga ng saging at kung paano ito pakinabangan bilang karagdagang source of income ng mga katutubo sa tatlong barangay na ito.
“Tinutulungan po tayo ng MAO at DSWD for them sa proyekto na ito,alam naman natin na magaling ang mga katutubo sa ganitong sistema ng pagtatanim,alam naman natin na may mga talagang ito ang income nila,at hoping po na makatulong talaga ito sa kanila,” dagdag niya.
Idinagdag ni Rafael na ang mga ito rin ay nakatanggap ng halagang 720 pesos mula sa kanilang tanggapan bilang silbing bayad ng 4Ps sa kanila sa tatlong araw ng trabaho nila para sa land preparation noong sila ay nagsimulang magtanim.
“Nasa P240 a day po ito sa ilalim naman ng ating Cash for Building Livelihood Assets, three days for land preparation nila, naghahanda sila ng tataniman nila ng saging pero binayaran pa rin natin sila sa preparation nila,” sabi ni Rafael.
