SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Humigit-kumulang 400 pamilya mula sa tatlong barangay sa bayan na ito ang nakatanggap ng food packs galing sa 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (1st PPMFC) noong araw ng Biyernes, May 7.
Ang pamimigay ng food packs na naglalaman ng bigas, gulay, at mga groceries sa mga mamamayan ng Pulot Center, Iraray, at Punang, ay isinagawa ng 1st PPMFC na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Joey Jonathan Bagayao, sa ilalim ng programang “Barangayanihan Ayuda” sa pakikipagtulungan ng mga pribadong indibidwal at iba pang stakeholders.
Sa panayam ng Palawan News kay Patrolman Jenivie Catanduanes nitong Martes, May 11, sinabi niyang sa pamamagitan ng programang Barangayanihan Ayuda ay hangad ng kanilang hanay na tulungan ang mga mahihirap at nangangailangang pamilya sa panahon ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Ani ni Catanduanes, mahalagang makapag-abot ng tulong sa ganitong panahon ng krisis upang kahit papaano ay maramdaman ng mga nasa komunidad na hindi lamang sa pagtupad ng tungkulin sa pagpapanatili ng kapayaan at katahimikan ang ginagampanan ng pulisya kundi maging ang pagdugtong sa pangangailangan katulad ng mga pagkain sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.
“Bahagi ito ng pagtulong pa rin natin sa kanila, nandito lang po ang 1st PPMFC para umalalay sa mga mamamayan natin sa panahon ng pandemya. Nagpapasalamat kami sa mga donors at sa mga stakeholders natin,” pahayag ni Catanduanes.
Dagdag pa niya na hindi lamang pagbibigay ng pagkain ang kanilang ginagawa sa panahon ng pandemya dahil nagpapatuloy din ang iba pang community outreach activity katulad ng pagbibigay ng mga tsinelas sa mga batang katutubo sa mga ibat-ibang munisipyo sa lalawigan.
