Makikita sa larawang ito ang apat na suspek sa panghoholdap sa biktima na si Gilbert Baniago noong Lunes (April 22) ng madaling araw. Ang mga ito ay sina Joshua Flores, 23; Jelo Rabang, 22; Jolito Ramos, 19, at Raffy Amorin, 18 na sinasabing nakumpiskahan pa ng pinaghihinalaang iligal na droga. (Photo courtesy of Bandera News Palawan)

Apat sa limang pinaghihinalang holdaper ang naaresto ng mga pulis noong madaling araw ng Lunes, April 22, matapos bugbugin ng mga ito ang tourist guide na biktima at iwanan itong lupaypay sa gilid ng kalsada sa Rengel Road, Barangay Milagrosa.

Kinilala ng pulisya ang mga suspect na sina Joshua Flores, 23; Jelo Rabang, 22; Jolito Ramos, 19, at Raffy Amorin, 18, na sinasabing may dating record na sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) at dati nang nakulong dahil sa iba’t-ibang kaso.

Ang isa pang suspek ay sinasabing pinaghahanap pa ngayon ng pulisya.

Ayon sa biktima na si Gilbert Baniago, 35, nakuha ng mga suspek ang kanyang wallet na naglalaman ng perang P40,000 at cellphone.

Sabi niya, mula sa isang bar malapit sa lugar ay nagtungo siya sa Rengel Road para makitulog sana sa isang kaibigan. Pero pagdating niya sa madilim na bahagi ng kalsada kung saan siya sana ay iihi ay bigla na lamang siyang nilapitan ng limang suspek at kinuha ang kanyang wallet.

Hindi pa nakuntento ay pinagbubugbog pa umano siya ng mga ito na naging dahilan kung bakit siya nawalan ng malay.

Idinagdag pa ni Baniago na pagkagising niya ay agad siyang tumungo sa himpilan ng pulisya para i-report ang panghoholdap sa kanya.

Ang apat na suspek ay naaresto habang nagkakape sa isang tindahan.

Bukod sa panghoholdap, sasampahan din ito ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa sinasabing nakuhanan din sila ng pinaghihinalang droga.

Previous article‘Generally peaceful’ Holy Week celebration in Palawan – CGDP
Next articleDSWD commits to support Tesico family, other San Miguel fire victims
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.