BROOKE’S POINT, Palawan — Boluntaryong sumuko sa tanggapan ni mayor Mary Jean Feliciano ng bayan na ito ang apat na katutubong Pala’wan na parehong may mga pending warrants of arrest dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 kaugnay ng iligal na pamumutol ng kahoy.
Sumuko sila noong Martes, May 19, sa tanggapan ni Feliciano sa pamamagitan ng Localized Peace Engagement Cluster ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF ELCAC).
Tatlo sa apat na Pala’wan na hindi pinangalanan ay mga supporter din ng New People’s Army (NPA) sa southern Palawan, ayon sa pahayag ni Lt. Col. Prisco Tabo, ang commander ng Marine Battalion Landing Team-4 (MBLT-4).
Sabi niya sa Palawan News noong Huwebes, maituturing ang mga Pala’wan na supporters ng mga rebelde dahil nagkaroon sila ng direktang kaugnayan sa mga ito dahil nagsisilbi silang mga “tenga” base rin sa kanilang pag-amin.
“Tayo naman sa ELCAC natin patuloy ang mga dayalogo natin sa mga kababayan natin, lalo na sa mga liblib na lugar na makipag-ugnayan sila sa mga awtoridad kung sakaling may mga paghimok o imbitasyon ang kabilang grupo sa kanila. Hindi tayo tumitigil sa pagbibigay ng sapat na kaalaman to end the local armed conflict,” sabi ni Tabo.
Nasa kustodiya ang mga ito ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS).
Samantala, nagpahayag naman si Brig. Gen. Nestor Herico ng pagsuporta sa pagsuko ng tatlo. Aniya, gobyerno lamang ang makakatulong sa mga ito at sa mga problemang kanilang kinakaharap.
Hinikayat ni Herico ang mga ito na makipagtulungan sa pamahalaang lokal para sa pang matagalang kapayapaan sa lalawigan, lalo na sa southern Palawan.
“Makatitiyak sila ng suporta mula sa task force ELCAC dahil sa kanilang pagsuko. Hinihikayat natin ang iba pa nilang kasamahan na tularan sila para sa pagpapatuloy ng kapayapaan sa Palawan. Makakatulong sila ng malaki para sa pagbibigay ng tamang impormasyon para mapadali ang paghuli sa mga hinahanap natin,” pahayag ni Herico.
Idinagdag din ni Herico na sa panahon ng COVID-19, gutom ang aabutin ng mga ito kung hindi magbabalik loob sa gobyerno.
Sa panahon ng pandemya, mas nararapat ang pagbabalik loob sa pamahalaan lalo na’t hindi tumitigil ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa paghahanap sa kanila.