2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG)

Nakapagtala sa buong taon ng 2020 ang 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) nang tatlong operasyon na may kaugnayan sa pangongolekta at pagbebenta ng giant clam shell (taklobo) na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147) at Fisheries Code of the Philippines (RA 10654).

Sa panayam kay 2nd SOU-MG spokesperson P/Lt. Anna Abenojar noong January 6, sinabi nito na sa tatlong operasyon ay itinuturing nilang pinaka malaki ang isinagawa noong October 8, 2020, sa bayan ng El Nido.

“Ito ang una at saka pinaka malaking nasabat ng tropa. Nasa P4.5 million — wala tayong naaresto dito, dahil mukhang nakatunog ang mga suspek. Pero nagbabad ang mga tropa natin sa lugar para sana makuha natin kung sino ang pi-pick up ng mga clam shell na ‘yon,” pahayag ni Abenojar.

 

Larawan mula sa 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG)

Sa kabuuan, mayroong pitong katao ang naaresto at nasampahan ng kasong paglabag sa mga nabanggit na batas kung saan sila ay maaaring pagmultahin at maparusahan ng pagkakulong.

“Sa Narra, October, 16, 2020, may naaresto tayong isang tao doon sa Brgy. Teresa, nasa P2.5 million ang halaga ng nakumpiska sa kanya. ‘Yun ay nasampahan natin ng paglabag sa Section 102 ng RA 10654. Anim naman sa Igang-Igang, Bataraza noong December 10, 2020, worth P3 million naman. Lahat yan nasampahan ng paglabag sa Section 27 ng RA 9147,” dagdag niya.

Kaugnay pa rin nito, ay tuloy-tuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng maritime police sa mga indibidwal na itinuturong namimili at namumuhunan sa mga lokal na residente na na-eenganyong mangolekta at magbenta ng giant clam shells.

 

Larawan mula sa 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG)

Ayon pa kay Abenojar, may mga lumulutang na mga pangalan, ngunit bina-validate pa nila ang mga impormasyon.

“May mga lumulutang na mga pangalan, pero bina-validate pa natin ang mga impormasyon. Sa mga info kasi namin, mga hindi naman taga-Palawan ang sinasabing nagpi-finance sa mga local residents. Hindi pa natin mailabas sa ngayon hangga’t hindi pa natin nakukumpirma at wala pa tayong matibay na ebidensya,” dagdag pahayag pa rin niya.

Maliban sa mga giant taklobo shell, naka-recover din ang maritime police sa Brgy. Burirao sa bayan ng Narra ng mga inabandonang dalawang talking mynah at dalawang blue-naped parrot.

 

 

Previous articlePhilippines records highest rice production in 2020, DA says
Next articleHimpilan ng Maritime Group sa Norte, planong itayo
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.