Larawan mula sa Brooke's Point MPS.

 

Tatlong negosyante sa bayan ng Brooke’s Point ang inaresto ng mga awtoridad sa isinagawang anti-illegal drugs sting operation sa Barangay Saraza, Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office (PPO), ang mga naarestong suspek na sila Benjamin Bahande Jr., 42, residente ng Brgy. Calasaguen, Welmar Bahande, 44, residente ng Brgy. Maasin, Brooke’s Point, at si Felix Magsino, 45, nakatira sa Brgy. Antipuluhan, Narra.

Inaresto sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang tinatawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa pangunguna ni P/Capt. Bernard dela Rosa kasama ang grupo ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU).

Nakumpiska mula sa kanila ang tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu, mga cellphone, isang marijuana, drug paraphernalia at perang umaabot sa mahigit kumulang P5,000.

Ayon sa panayam ng Palawan News kay P/Cpl. Rodney Sagala, ang imbetigador sa pangyayari, kasama na umano sa Top 10 na mga personalidad sa iligal na gawain ang dalawang magkapatid na Bahande at nasama lamang si Magsino noong maganap ang operasyon kaya rin ito nahuli.

“Ang dalawang magkapatid na sila Benjamin at Welmar Bahande ay kasama sa top ten priority ng Regional at Provincial level. (sa nabanggit na ilegal na gawain). Si Felix naman ay nahuli dahil nong time na ‘yon na nagbahay-bahay kami ay kasama rin siya ng mga suspek.”, ang sabi ni Sagala.

“Noong time ng operation namin, itong magkapatid lang ang aming subject operation, ‘nong time ng pag-buybust namin ay nakasama siya sa mga suspek kaya bale tatlo sila na magkasama.” dagdag pa niya.

Sa ngayon, ay nasa lungsod na ng Puerto Princesa ang tatlong suspek para sa kasong kinakaharap ng mga ito. Hinihintay din ang resulta ng mga ito kung ito ba ay positibo sa paggamit ng droga.

(With a report from Jayra Joyce Taboada)

 

About Post Author

Previous articleSenate ratifies Bayanihan 2 bill
Next articleDetainees at personnel ng Narra District Jail, binigyan ng anti-flu vaccine